Lumabas na ang tunay na bangis nila Pinoy star jungler Kairi “Kairi” Rayosdelsol at ONIC Esports sa ikatlong araw ng M4 World Championship sa Jakarta, Indonesia.
Ito’y matapos durugin ng kasalukuyang hari ng MPL Indonesia ang Malvinas Gaming ng Argentina at MDH Esports ng Vietnam upang isara ang kanilang kampanya sa Group B at iselyo ang puwesto sa upper bracket ng playoffs.
Ipinamalas ng MPL ID Regular Season at Finals MVP na si Kairi ang kanyang tikas sa paggamit ng assassin heroes at nagtala ng perpektong kill/death/assist record sa parehong laro.
Kairi nagpasiklab gamit ang Hayabusa at Ling, ONIC pasok na sa M4 playoffs upper bracket
Nagpakitang-gilas si Kairi sa kanyang Hayabusa kontra Malvinas Gaming para mailista ng ONIC Esports ang kanilang unang panalo at burahin ang pait ng ‘di inasahang pagkatalo sa Todak noong unang araw ng torneo.
Pinasimulan ng 17-year-old jungler ang pagkalas ng Yellow Hedgehogs sa mid game kung saan tumikada siya ng triple kill bago ang ika-10 minuto. Ilang saglit lang ay itinala na niya ang legendary streak bago tuluyang tapusin ng kinikilalang world title contenders ang laro kasama ang Lord.
Sa pagtatapos ng 20-8 dominasyon sa loob ng 12 minuto, kumamada ang ace player ng malinis na 10/0/4 KDA, 70% kill participation, 883 GPM at pinakamataas na damage na pumalo sa 50K.
Nanatiling matalas ang laro ni Kairi gamit naman ang Ling laban sa MDH Esports kung saan tinampok ng ONIC Esports ang “nice one baby” meta.
Maagang nag-init ang Pinoy import salamat na rin sa tulong ng Angela ni Thomas “SamoHt” Budiman. Sakto ang pagpasok niya sa mga clash at kaliwa’t kanan niyang kinikitil ang mga miyembro ng Mekong Qualifier team.
Kumana siya ng perpektong 11/0/3 KDA, 82% kill participation at 993 GPM sa 17-8 panalo makalipas ang 15 minuto. Siya rin ang bumuhos ng pinakamataas na damage sa ikalawang sunod na pagkakataon, na umabot sa 62K.
Nakatakdang kalabanin ng ONIC Esports ang lalabas na top seed sa Group A, na kinabibilangan ng reigning world champion Blacklist International. Malaki ang posibilidad na magkaroon ng maagang tapatan ang mga kampeon ng MPL Philippines at MPL Indonesia sa playoffs.
I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga balita patungkol sa M4 at Mobile Legends: Bang Bang.