Bigo ang EVOS Legends na makamit ang kanilang pangarap na maging kampeon sa MPL Indonesia Season 11 matapos magapi sa grand final laban sa ONIC Esports.
Gayunpaman,malayo ang naabot ng White Tigers ngayon kung ihahambing sa nakuha nila noong nakaraang season kung saan kinapos sila na makapasok sa playoffs.
Ito ay dahil na rin sa pambihirang kakayahan ng koponan na pumihit ng malulupit na comebacks na mas lumitaw sa kanilang kampanya sa MPL ID S11 playoffs. Sa bingit ng elimination, ipinakita ng mga pambato ng EVOS Fams na hindi madaling matinag ang kanilang determinasyon na manalo.
Ngunit sa kanilang tapatan kontra ONIC, ni bakas ng turnaround ay hindi nakita mula sa EVOS. Ano nga bang nangyari sa laro? Bakit hindi nakatindig ang EVOS Legends gaya ng ipinakita nila sa mga nauna nilang serye?
Mahalagang aral ang napulot ng EVOS Legends sa MPL ID S11 Grand Final
Nakita na ng Geek Slate at Alter Ego ang kakayahan ng EVOS na bumangon mula sa pagkagapi at baliktarin ang resulta ng serye. Sa katunayan, pati ang paboritong RRQ Hoshi ay nasira ang diskarte dahil sa abilidad ng koponan na manlason sa para kuhanin ang tagumpay sa kongklusyon ng serye.
Ngunit sa gumulong na Grand Finals ng MPL ID S11, pumurol ang pangil ng White Tigers sa tigas ng ONIC na sinagasaan sila sa 4-0 sweep.
Pagkatapos ng laro, eksklusibong nakapanayam ng ONE Esports si Coach Age na ibinahagi ang kaniyang tantiya sa mga naganap sa inantabayanang serye, gayundin ang estado ng team matapos ang pagkagapi.
“Talagang malakas ang ONIC, gaya ng sinabi ko noon. Talagang ginawa na namin ang lahat, naisip na ng team ang drafting at gameplay na dapat namin laruin,” paliwanag niya na isinalin sa Filipino.
Bagamat naghanda, hindi napigilan ng pangkat ang arangakada ng Yellow Porcupines na ipinatikim sa kanila ang kakaibang-lebel ng individual at teamplay kaalinsabay pa ng henyong coaching. Kaya naman si Coach Age, hindi na rin nagtaka kung bakit may halos perpektong tala ang ONIC Esports sa regular season.
“Mas compact sila bilang team, at mas malakas individually. Ngayon, may oras kami para mag-grow at matuto sa kanila. Pagbubutihin pa namin para maging mas magaling kami sa MSC 2023,” aniya sa Bahasa.
Bagamat kapos sa kanilang tangka na marating ang rurok ng tagumpay sa MPL ID ngayong season, inaasahan ng EVOS Fams na magagamit ng koponan ang mga aral na napulot nila mula dito para sa darating na hamon sa Cambodia sa Hunyo.
Para sa iba pang balita sa MPL, sundan lamang ang Facebook ng ONE Esports Philippines!
BASAHIN: Gila! Sanz, pinarangalan bilang Finals MVP ng MPL ID Season 11