Sinemento ng Bren Esports ang kanilang estado bilang numero unong team sa regular season ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 11 (MPL PH S11) matapos nilang talunin ang Blacklist International sa huling linggo ng liga.
Hindi nakaporma ang mga defending champions sa pagragasa ng agresibo ngunit swabeng gameplay ng mga pambato ng The Hive. Natapos ang Game 1 sa score na 20-3, habang 17-0 naman sa ikalawang game.
Kapansin-pansin din sa kabuuan ng series, na winalis ng Bren 2-0, na hindi nila binan sa parehong games ang Estes, ang signature hero ng kapitan ng Blacklist na si Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna.
Kung Estes ang pag-uusapan, walang iba kungdi si OhMyV33nus ang unang papasok sa sinumang fan na sumusubaybay sa MPL. Sa win rate na 86% sa kamay ng Reyna, priority ban ito ng mga koponan na nakakaharap ng Agents.
Ngunit bakit hinayaan lang ng Bren na makuha ng Blacklist ang Estes?
Bren Esports iniwang open ang Estes para sa Blacklist
Sa press conference matapos ang kahanga-hangang panalo ng Bren, tinanong ang coach ng Season 6 champions na si Francis “Duckey” Glindro kung may direktang kinalaman ang kanilang hero composition kung kaya hindi na nila kinailangan ang Estes ban. “Not really. We just understand now how to play against an Estes,” sabi ng coach.
Sinubukan naming kunan ng karagdagang impormasyon si Coach Duckey tungkol sa detalye ng kanilang diskarte kontra Estes, ngunit magalang itong tumanggi. “No, I’m sorry,” sabi ng coach.
Ayon naman sa team captain ng Bren Esports na si Angelo Kyle “Pheww” Arcangel, malaking ang naging ambag ng isa pa nilang coach na si Vrendon “Vren” Pesebre upang tuluyan nilang maunawaan kung paano labanan ang isang Estes.
“Ang nagpaintindi sa amin kung paano labanan ang Estes ay si Coach Vren.”
Parehong nakapasok sa MPL PH S11 playoffs ang dalawang teams kung kaya’t may malaking posibilidad na muli silang magkaharap sa huling bahagi ng liga. Sino sa tingin niyo ang mangingibabaw sa muli nilang pagsasagupa?
Mapapanood ang opisyal na Filipino broadcast ng MPL PH S11 sa mga sumusunod na channels at pages:
Para sa iba pang balita tungkol sa esports at MPL, i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.