Naging matagumpay ang pagdomina ng Bren Esports sa regular season ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Season 11 (MPL PH S11) upang makuha ang top seed papuntang playoffs, at isa si Kyle Angelo “KyleTzy” Sayson, ang kanilang jungler, sa mga naging susi ng tagumpay na ito.
Ikalawang season pa lang ni Kyle sa MPL ngunit kapansin-pansin na ang husay na naiaambag niya sa mga panalo ng koponan.
Sa huling linggo ng regular season ay nakatapat ng Bren ang Blacklist International. Sa paghaharap ng dalawang M-series champions ay nangibabaw ang mga players ng The Hive, kung saan tinanghal si Kyle na MVP ng unang game gamit ang kanyang Fanny na may 8/0/7 KDA.
Masasabing tumatak sa mga Agents ang kilabot na dala ng Blade Dancer ni Kyle dahil naging priority ban ito sa ikalawang game, kasama ang ilan sa mga comfort picks ni Kyle na Lancelot, Helcurt, at Hayabusa.
KyleTzy ibinahagi ang kanyang Fanny build
Pagkatapos ng series, nakuhaan ng ONE Esports ng eksklusibong panayam si Kyle kung saan ibinahagi niya ang kanyang MVP-worthy Fanny build na nagpahirap sa Blacklist sa unang game ng series.
“Ang build ko sa Fanny is Tough Boots, [Blade of] Heptaseas, Malefic [Roar], Sea Halberd, Hunter Strike, and BOD (Blade of Despair),” sabi ni Kyle.
Para naman sa emblem, gumamit ang Bren jungler ng Assassin Emblem na may High and Dry bilang talent, para sa mas madaling pag-pick off ng mga kalabang mag-isa.
Nag-iwan din ng ilang importanteng tips si KyleTzy para sa mga nais maging Fanny user tulad niya.
“Ang tips ko sa Fanny, dapat calculated mo yung mga cables mo,” sabi ng jungler, patungkol sa pag-estima ng energy ni Fanny na ginagamit sa kanyang Steel Cable skill.
Ayon sa kanya, mabisang gamitin ang Steel Cable ng Balde Dancer upang pwersahin ang kalabang team na gamitin ang kanilang mga skills bago pa man magsimula ang team fight.
“Dapat marunong ka mag-in-and-out,” paliwanag ni Kyle. “For example, ibe-bait mo yung mga skills ng kalaban, dalawang cable, sabay cable pabalik para ma-bait yung kalaban [na gumamit ng skill].”
Maghihintay ang Bren Esports sa upper bracket kung saan kakaharapin nila ang team na mananalo sa pagitan ng Blacklist International at Smart Omega sa MPL PH Season 11 playoffs na gaganapin mula May 4 hanggang May 7 sa SMX Convention Center.
Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.