Bagamat unang pagkakataon na sasalang ngayong MPL Philippines Season 11, mabilis na pinatunayan ni John “Irrad” Abarquez kung bakit karapat-dapat siya sa hanay ng mga pros ngayong Week 8.
Nagpamangha ang 19-anyos sa pagbabalik niya sa pros matapos magpakawala ng matitinding performances sa jungler role para sipain ang Nexplay EVOS palabas ng playoff contention, 2-0, at tulungan ang kaniyang RSG Slate Philippines na mapagtibay ang kanilang posisyon sa fourth place sa regular season standings.
Nagkaroon muli ng pagkakataon si Irrad na pabagain ang atake ng RSG sa harap naman ng M4 World Champions ECHO. Kahit pa kinulang sa huli, ipinakita ng MDL-standout ang halimaw niyang mechanical skills na kapansin-pansin sa hawak niya sa Joy para kuhanin ang equalizer sa game two at biguin ang tangka ng matikas na Purple Orcas na maka-sweep.
Malaki agad ang impact ni Irrad para sa RSG Slate PH sa kaniyang debut
Naglista ang batang pro ng pambihirang averages sa muli niyang pagsabak sa hanay ng Raiders ngayong season, na kinabilangan ng 4.60 kills, 6.40 assists and 725 gold per minute kontra 3.67 deaths.
Dahil sa husay ng ipinakita ni Irrad, siya ang hinirang na Razer-Gold Player of the Week para sa Week 8. Nakatakdang makatanggap ang pro ng isang Razer Blackshark V2 mula sa Razer Gold.
Sa kaniyang pakiramdam sa reunion kasama ang RSG teammates at pagbabalik sa pros, nanatiling istoiko ang RSG jungler kahit pa pambihira ang ipinakitang performance.
“Normal lang din po kasi last season alam mong reserve player lang ako tapos binigyan ako ng chance mag-laro. Yung na-feel ko ngayon, parang same lang as dati ganun. Alam ko lang yung ambiance ngayon ng stage kaya medyo nakakalaro po ako nang maayos.”
Dagdag niya, malaking rason sa kaniyang magilas na outing ang karanasana sa MDL. “Mas na-motivate ako na galingan pa lalo para makaakyat ako.”
Nalamangan ni Irrad sa botohan ang ECHO members na sina Tristan “Yawi” Cabrera and Alston “Sanji” Pabico at ONIC Philippines EXP Laner na si Nowee “Ryota” Macasa para sa lingguhang parangal ng print at online media na nag-uulat sa MPL Philippines at mga kaanib na broadcasters at operations team.
I-like at i-follow ang Facebook ng ONE Esports Philippines para sa updates tungkol sa MPL PH!
BASAHIN: Demosyon sa MDL daw ang nag-udyok kay RSG Slate PH Irrad na makabalik ng MPL