Matagumpay na binuksan ni Kiel “OHEB” Soriano at ng Blacklist Academy ang kanilang kampanya para sakupin ang Mobile Legends: Bang Bang Developmental League Philippines Season 1 (MDL PH S1) Playoffs matapos patumbahin ang RSG Ignite sa 2-0 sweep.
Muling pinatunayan ng Blacklist gold laner kung bakit siya tinawag na “The Filipino Sniper” pagkaraang magsalang ng isang MVP performance sa Beatrix (6/2/4 KDA), bago tuluyang sipain mula sa playoffs ang RSG hawak ang Karrie (3/1/8 KDA) sa ikalawang mapa.
Ngunit bago tulungan ang MDL team ng Blacklist makuha ang krusyal na panalo sa opener, pinaunlakan ni OHEB ang casters na sina Athena at Brigida sa isang panayam kung saan inilahad niya ang kaniyang kalagayan gayundin ang estado ng team.
Sa pre-game interview, inamin ni OHEB na hindi niya inakala na maglalaro siya sa developmental league.
OHEB hindi raw binalak maglaro para sa Blacklist Academy sa MDL, nais lamang daw magpahinga mula sa pro play
Kasunod ng desisyon ng M3 World Championship Most Valuable Player na lumiban muna sa paglalaro sa MPL Philippines, sorpresa para sa mga miron na makita ang kaniyang pangalan sa roster ng MDL team ng Blacklist.
Nang paglaruin si OHEB sa Week 6 ng MDL PH Season 1, hindi itinago ng “The Prince” na pati siya ay nagulat sa desisyon ng team.
“Unexpected lang kasi balak ko lang talagang magpahinga. Tapos nagpa-sixth man lang talaga ako para suportahan lang talaga sila.” kuwento niya sa pre-game interview.
Pagtutuloy niya, “‘Tas biglang napalaro ako, pero okay lang naman din. Para ‘di lang din matengga. Nakakapaglaro pa rin.”
Mahirap sabihing mali ang desisyong ito ng Blacklist Academy. Bago tulungang puksain ang RSG Ignite sa unang araw ng MDL PH S1 playoffs, sentro ang play ng MPL star para manatiling walang bahid ng pagkatalo ang win-loss record ng hanay.
Sapat ito para tulungan ang MDL team ng Blacklist na makakalawit ng puwesto sa top six ng regular season at makapagpatuloy sa postseason.
Ngayon, susubukan ni OHEB na pangunahan ang kaniyang hanay sa tapat ng top-seeded Game Lab sa ikalawang round ng playoffs.
Sundan ang pinakahuli sa MDL PH sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!
BASAHIN: MDL PH Season 1 playoffs: Schedule, format, resulta, at saan mapapanood