Paparating na ang playoffs ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 11 (MPL PH S11), kaya tiyak na painit nang painit lang ang mga usap-usapan tungkol dito.
Pagdating sa usapang ‘to, hindi syempre pwedeng magpahuli si Billy “Z4pnu” Alfonso, ang community figure at dating Smart Omega player. Mainit ang kanyang pangalan kamakailan dahil sa maaanghang na kumento tungkol sa nalalapit na harapan ng kanyang organisasyon at Blacklist International sa play-ins.
Alinsunod sa usapang playoffs, ekslusibong nakapanayam ng ONE Esports si Z4pnu tungkol naman sa pinakamalakas na player ngayong season ng MPL Philippines.
- Ganito ang Fanny build na ginamit ni KyleTzy kontra Blacklist
- Ano ang dahilan ng TP ng Bren Esports bago tapusin ang laban?
Z4pnu pinangalanan ang player na nagtaas ng lakas sa MPL PH Season 11
Matagal-tagal nang hawak ng bansa ang karangalan bilang ang pinakamalakas na rehiyon sa MLBB sa buong mundo. Kaya kung tutuusin, hindi madaling pumili ng isang manlalaro na masasabing pinakamalakas sa buong liga.
Pero ibahin n’yo si Z4pnu, dahil aniya, may isang manlalaro talagang nagtaas ng kanyang lakas ngayong season.
“Pinakamalakas na player performance ngayong season si KyleTzy,” sagot ni Z4pnu.
Si Michael Angelo “KyleTzy” Sayson ay ang jungler ng BREN Esports. Nagsilbing susi ang manlalarong ‘to para matapos ng kanyang koponan ang regular season bilang top seed.
Sa 32 games na kanyang nilaro noong regular season, nakapagtala si KyleTzy ng 96 kills, 6.00 KDA, 4,014 turret damage per game, 686 gold per minute, at walong first blood kills. Siya ang may hawak ng pinakamataas na tala sa mga nabanggit na stats sa lahat ng jungler sa liga.
Wala ring bahid ng talo ang ilan sa kanyang mga signature hero tulad ng Ling na dalawang beses na niyang ginamit, Fanny na tatlong na beses niyang ibinida, at Helcurt na apat na beses nang nakapaghasik ng lagim.
Pero hirit ni Z4pnu, may isang player siyang ibaangang makatapat ng sophomore mula sa BREN Esports:
“Gusto ko sila makita magkatapat ni Kairi.”
Si Kairi “Kairi” Rayosdelsol ang Filipino jungler ng ONIC Esports, ang back-to-back champion ng MPL Indonesia. Gaya ni KyleTzy, kilabot din ang tinaguriang Sky King pagdating sa mga hero na may mataas na mechanical ceiling gaya ng Fanny, Lancelot, at Hayabusa.
‘Di malabong matupad ang hiling na ‘to ni Z4pnu lalo na’t naselyo na ng ONIC Esports ang kanilang tiket patungo sa MLBB Southeast Asia Cup 2023 (MSC 2023), na nakatakdang ganapin sa Hunyo. Kailangan na lang gawin ng BREN Esports ay maka-abot sa grand final para maging isa sa dalawang kinatawan ng bansa para sa naturang turneo.
Samantala, nakatakda namang ganapin ang playoffs ng MPL PH S11 simula ika-apat hanggang ikapito ng Hunyo. Idaraos ito sa SMX Convention Center.
Para sa karagdagang esports balita, guides, at highlights, i-follow lang ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: Katatampukan nina Jessica Sanchez at Alison Shore ang MPL PH S11 Grand Finals