Matapos ianunsyo nina Kiel “OHEB” Soriano, Salic “Hadji” Imam at head coach Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza ang kanilang desisyon na lumiban muna sa roster ng Blacklist International ngayong MPL Philippines Season 11, marami ang nangamba sa kakayahan ng pangkat na mairaos ang matarik na kumpetisyon sa regular season.
Bagamat lumarga nang wala ang ilang mahahalagang piyesa sa kanilang roster, nanatili sa porma ang Blacklist na umarangkada papunta sa ikatlong puwesto sa season standings, at may tiyansa pa rin na madepensahan ang kanilang korona sa playoffs.
Para kay Aniel “Master the Basics” Jiandani, malaking bahagi kung bakit nanatili ang Blacklist bilang isang top team sa liga ay ang kulturang nabuo ng organisasyon gayundin ang mahahalagang kontribusyon ng ilang miyembro ng team.
Kultura at veteran leadership ang susi para manatili sa top 3 ang Blacklist ayon kay Coach MTB
Eksklusibong nakapanayam ng ONE Esports Philippines ang head coach ng Blacklist para kumuha ng ilang saloobin ukol sa gumulong na regular season para sa kaniyang hanay.
Sa tanong kung paano nagawa ng defending champions na manatili sa kanilang tindig bagamat marami sa kanilang miyembro ay bagito pa lamang sa liga, itinuon ng coach at analyst ang pagkilala sa kinabibilangan niyang organisasyon.
“Probably because of the culture built by Blacklist. We are already following a system that works. We just need to add more ideas to improve it,” aniya.
Dagdag pa niya, malaking rason din daw kung bakit nasa postura pa rin sila ngayong Season 11 ay ang pamumuno nina Jonmar “OhMyV33NUS” Villaluna at Danerie “Wise” Del Rosario. “I think they really stepped up and also shared more of their experience because a lot has changed in the team,” pagbabahagi ni Coach MTB.
Hindi rin nakalimutan ng Blacklist head coach ang ambag ng isa pa niyang beterano sa team na si Edward “EDWARD” Dapadap. Pahayag niya, “I think his consistency is the vital reason why we’re still on top.”
Susubukan ng Blacklist na patunayan ang kanilang tikas sa pagbubukas ng MPL PH Season 11 Playoffs ngayong May 4 kung saan makakaharap nila ang karibal na Smart Omega.
Para sa iba pang updates ukol sa MPL PH, i-like at i-follow lamang ang Facebook ng ONE Esports Philippines!
BASAHIN: Kelra nagbigay ng opinyon tungkol kay OHEB at sa Blacklist