Araw ng reverse sweep ang gumulong na Day 3 ng MPL Philippines Season 11 Week 5. Tig-isang come-from-behind wins ang ipinukol ng ONIC Philippines at Bren Esports para simulang mainit ang unang linggo ng second leg ng liga.


Resulta ng MPL PH S11 Week 5 Day 3

ONIC PH nakasulot kontra RSG Slate PH

Umasa ang mga miron na maipagpapatuloy ng RSG Slate PH ang kanilang arangkada sa ikalawang bahagi ng regular season matapos iligpit ang ECHO sa Week 4. At mistulang ganoon na nga ang magaganap matapos makalawit ng Raiders ang unang mapa kontra ONIC PH sa kanilang nag-iisang serye ngayong Week 5.

Credit: MPL Philippines

Gayunpaman, nagbago ang ihip ng hangin matapos pangunahan ni Frince “Super Frince” Ramirez ang depensa ng Hedgehog team sa game two hawak ang Faramis para gawing best-of-one ang serye. Nagtala ng mahusay na 7/1/4 KDA ang pro para iahanda ang dikdikang game three kung saan sumentro naman si Stephen “Sensui” Castillo sa Akai para gapiin ang RSG sa ika-23 minuto.

Sa proseso, nakuha na ng ONIC PH ang kanilang ikatlong panalo sa siyam na laro at nanatiling nasa karera papunta sa top 6 na aangat sa playoffs.


Bren Esports pinaamo ang Smart Omega

Credit: MPL Philippines

Kung ano ang ihip sa unang seryeng itinampok sa Day 3 ng MPL PH S11 Week 5 ay gayundin ang dumaloy sa huling serye ng linggo nang biguin ng Bren Esports ang Smart Omega. Faramis ni Dale “Stowm” Vidor ang yumakag sa Omega sa game one tagumpay ngunit sumagot ang The Hive sa dalawang magkasunod na laro sa likod nina Michael “KyleTzy” Sayson at Marco “Super Marco” Requitano.

Perpektong salang sa Hayabusa ang ipinamalas ni KyleTzy makaraang magtala ng 8/0/2 KDA para hiranging MVP of the game. Samantala, Beatrix naman ni Super Marco ang nagdala sa Bren sa ikawalo nilang sunod na tagumpay matapos pumukol ng pambihirang 8/1/2 KDA.

Credit: MPL Philippines

Dahil dito, nanatiling numero uno ng MPL PH S11 regular season standings ang The Hive at nalalapit na sa pagselyo ng kanilang playoff berth.

Makibalita sa pinakahuli sa MPL PH sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!

BASAHIN: Bren Esports Super Marco kinalawit ang ikalawang MPL PH Press Corps POW