May ideya na ang Bren Esports captain at veteran na si Angelo “Pheww” Arcangel kung sino ang gusto niyang mapabilang sa Hall of Legends sa kongklusyon ng MPL Philippines Season 11.
Inilahad ito ni Pheww sa post-match interview pagkatapos itumba ang Nexplay EVOS nang tanunging siya ni Mara Aquino kung sino sa tingin niya ay mga pros karapat-dapat na makasama niya sa sariling bersyon ng Hall of Fame ng liga.
Top 3 pros na gustong mapabilang ni Pheww sa MPL PH HoL
Kuwento ni Pheww kay Mara at sa audience, may tatlong tao daw na sa tingin niya ay karadapat-dapat na bigyang-pugay bilang hall of famer ng liga. Dalawa daw sa mga ito ay pro players habang ang isa naman ay isa daw coach.
“Yung dalawang player si ano siguro, si Hadjizy tiyaka si Edward. Tapos yung coach naman si Coach Duckey,” paglalahad ng long-time Bren pro.
Hindi na kagulat-gulat nang sambitin ni Pheww ang pangalan nina Salic “Hadji” Imam at Edward “EDWARD” Dapadap na tinulungan pandayin ang dinastiya ng Blacklist International kung saan nakalawit ng team ang magkasunod na MPL Philippines tropeyo sa season 7 at 8, bago ibalik sa Pilipinas ang korona ng M World Series pagkatapos dominahin ang M3.
Kung sakali ay sasamahan nina Hadji at EDWARD ang dalawa pang miyembro ng Blacklist na sina Jonmar “OhMyV33US” Villaluna at Danerie “Wise” Del Rosario na nauna nang mahalal sa Hall of Legends sa nakalipas na MPL PH Season 10.
Samantala, hindi naman nakalimutan ni Pheww na idagdag sa kaniyang listahan ang kaniyang long-time coach na si Francis “Coach Duckey” Glindro.
Kuwento niya, “Parang hindi lang kasi napansin na matagal na din siya sa ML eh. Since season 5 lang siya napasok sa ML PH eh [MPL PH]. Pero matagal na din siyang nag-cocoach sa Indonesia eh. Tapos ayun nga, simula M1, M2, napanalo niya parehas.”
“Malaki na ring achievement yun eh,”dagdag ni Pheww.
Magdadagdag ng isang pangalan ang liga sa kongklusyon ng Season 11 at inaasahan na lulutang ang tatlong pangalan na ito lalo pa’t may pag-endorso mula mismo sa hall of famer.
Makibalita sa pinakahuli sa MPL PH. Sundan ang Facebook ng ONE Esports Philippines!
BASAHIN: E2MAX sa mga rookies ng Omega: ‘Kaya namin silang mapalakas nang sobra-sobra’