Kinumpas ng TNC Pro Team ML ang isa sa pinakamalaking upset sa gumugulong na MPL Philippines Season 11 matapos padapain ang numero unong Bren Esports, 2-1, at makuha ang mahalagang 2 points para mapanitili ang pag-asa na makapasok ng top 6 papunta sa playoffs.
Pinangunahan ni Ben “Benthings” Maglaque ang atake ng Phoenix Army sa huling laro hawak ang Franco para mapurnada ang tangkang reverse sweep ng The Hive na nagawang maitabla ang laro sa game two.
Sa post-match interview, inilahad ni Benthings ang kinailangang gawin ng kaniyang pangkat para makumpleto ang must-win series kontra sa delikadong nakaharap.
Paghahanda ng TNC Pro Team ML laban sa Bren ayon kina Benthings at Coach Lift
“Siguro yung sa mga nagrereview kami ng game, yung mga nagiging reason kasi noon, takot mag-commit, takot magkamali,” paglalahad ni Benthings nang tanungin siya ni Mara Aquino kung ano kaibahan ng TNC Pro Team ML ngayon kumpara sa mga nakalipas nilang salang sa regular season.
Dagdag ng co-captain ng hanay, pinilit daw talaga nilang ‘ma-unlock’ ang pumipigil sa kanila para maumpisahan ang biyaheng tagumpay. “Pinipilit nameng ma-unlock yung malabanan yung pressure sa game.”
Gayundin ang naging linya ni John “Coach Lift” Ruiz na ibinahagi sa mga miron ang naging paghahanda ng team bago sumalang sa numero unong team sa liga. “Actually sobra sobra yung pagrereview namen. Lahat talaga ng male, ginagawan namen ng paraan.
“Tinatama namen hanggang sa ngayon, na-unlock na namen yung mga puwede nameng gawin at yung mga possibility na puwede kami manalo,” dagdag ng TNC coach.
Bagamat nanatili sa 8th place sa standings, magandang panimula para sa tangka ng TNC na sindihan ang late game push para makalahok sa top 6.
I-like at i-follow ang Facebook ng ONE Esports Philippines para sa iba pang balita tungkol sa MPL PH!
BASAHIN: Si EDWARD ang manok ng V33Wise na maihalal sa Hall of Legends ngayong MPL PH S11