Gitgitan ang naganap na bakbakan sa pagbubukas ng Weeek 6 ng MPL Philippines Season 11 (MPL PH S11) tampok ang dikdikan ng Smart Omega at RSG Slate Philippines, at ang tapatan ng numero-unong Bren Esports at makamandag na Nexplay EVOS.
Smart Omega pinatid ang RSG Slate PH para manatili sa karera sa top 6 ng MPL PH S11
Matapos ang dismayadong serye kontra Bren Esports sa pagtatapos ng Week 5 kung saan nagapi sila sa 2-1 iskor, muling uminit ang makinarya ng Smart Omega sa opening day ng Week 6 nang patumbahin nila ang RSG Slate PH.
Sumandal ang mga pambato ng Baranggay sa mala-maestrong hawak ni Duane “Kelra” Pillas sa Beatrix (6/0/2 KDA) para kuhanin ang game one, ngunit may sagot si Dexter “Exort” Martinez sa ikalawang mapa matapos pumihit ng 6/2/3 KDA sa paborito niyang Kadita para itabla ang serye.
Nagbanta ang RSG ng reverse sweep ngunit hindi pinayagan ni Gabriel “Louis” Ariola na mailagay sa alanginin ang pag-asa ng kaniyang hanay na makapasok sa playoffs. Ito ay sa pamamagitan ng mahusay niyang salang sa Arlott na pumukol ng 5/2/5 KDA para makuha ang tagumpay sa ilalim ng 15-minutos.
Bren pinanis ang debut ni Haze para sa NXPE
Mainit ang pagtanggap ng mga miron sa pagbabalik ni Jeniel “YellyHazeDR” Bata-Anon sa entablado ng MPL PH. Sinuklian naman ito ni YellyHazeDR sa pamamagitan ng pagpapakitang-gilas hawak ang Yve (3/1/13 KDA) upang sulutin ang game one mula sa Bren.
Sinubukang ulitin ng beterano ang kaniyang tira mula game one papunta sa ikalawang mapa ngunit sumambulat sa kanilang hanay ang pasabog na Beatrix ni Marco “Super Marco” Requitano na pumukol ng 7/0/2 KDA para gawing best-of-one ang serye.
Desimulado ang galaw ng dalawang pangkat pagdako ng decider ngunit ang mga pambato ng The Hive ang nanaig sa dulo, salamat sa pambihirang salang ni Rowgien “Owgwen” Unigo sa kaniyang Khufra (0/1/4 KDA) na pinigilan ang arangkada ng Hayabusa compisition ng NXPE.
Sa proseso, napagtibay ng Bren ang kanilang posisyon bilang numero unong team sa MPL PH S11 regular season, habang ang Smart Omega naman ay nabigyan ng puwang na makahinga sa gitgitan sa bottom half ng standings.
I-like at i-follow ang Facebook ng ONE Esports Philippines para sa pinakahuli ukol sa MPL PH.
BASAHIN: E2MAX sa mga rookies ng Omega: ‘Kaya namin silang mapalakas nang sobra-sobra’