Papara muna ang nakasakay sa Biyaheng Tagumpay ngayong MPL Philippines Season 11 pagkaraang mapigilan ang TNC Pro Team ML ng ONIC Philippines, 2-0, sa inantabayanang Week 7 Day 2 showdown.
Makabag-damdamin ang naging post-match interview ng hanay kasama si Mara Aquino kung saan nagsalita para sa pangkat ang co-captain ng team na si Ben “Benthings” Maglaque na nagpasalamat sa mga sumuporta sa kanilang sinundang playoff push sa huling bahagi ng regular season.
Benthings nagpasalamat sa fans, nangakong magbabalik ang TNC
Sa naturang panayam, magkahalong lungkot at saya ang namuo sa Shooting Gallery Studios nang magsalita si Benthings upang ipaliwanag ang nararamdaman nila matapos kapusin sa kanilang tangka na makalahok sa playoffs.
Kuwento ng co-captain ng team, “Ako kasi personally, hindi ako natingin sa points eh. Kaya tinanong ko eh [kay Mara]. Kaya nung nalaman ko nung may final message, nagka-clue na ako na wala na pa kame.”
“Yun lang, pumuso kame, hangga’t di kame naaannounce,” sambit ni Benthings saliw sa hiyawan at palakpakan ng fans.
Dagdag pa niya, “Heto yung pinanghahawakan ng team, hanggat ‘di kame ina-announce na wala na kame sa playoffs, hindi kame titigil bumawe.”
Kasabay nito, itinuon ng 27-anyos ang kaniyang huling sandali sa entablado ngayong season para magpasalamat sa mga sumuporta sa kanila sa kanilang kampaya ngayong MPL PH S11.
“Heto yung pinanghahawakan ng team. Hanggat di kame ina-announce na wala na kame sa playoffs, hindi kame titigil bumawe. Maraming-maraming salamat sa mga sumuporta hanggang dulo. Pinalakas niyo lang talga yung loob namen,” wika ng pro.
Maasahan din daw ng fans na hindi sila titigil sa kanilang tangka na maging kampeon sa MPL PH. “Huwag kayong mag-alala may season 12-20. Hindi matatapos yung pangarap namen na mag-champion dito sa MPL, hanggang di nawawala yung MPL.”
Natagpuan ng TNC Pro Team ML ang kanilang mga sarili sa mala-bangungot na 1-9 record bago matagpuan ang tamang apak sa silinyador para patumbahin ang Bren Esports at ECHO sa parehong 2-0 iskor.
Inasahan na maipagpapatuloy ng Phoenix Army ang ratsada papunta sa top 6 ng standings ngunit maaga itong naputol pagkaraang mapigilan ang team ng kasing-tikas na ONIC Philippines.
Makibalita sa mga kaganapan sa MPL PH sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!
BASAHIN: Venue at petsa ng MPL PH Season 11 playoffs, tukoy na