Respeto at pagsaludo ang inialay ni Kairi “Kairi” Rayosdelsol ng ONIC Esports sa mga kapwa niya Filipino players sa Geek Fam ID na sina Allen “Baloyskie” Baloy at Jaymark “Janaaqt” Lazaro matapos ang grand final ng ONE Esports Mobile Legends: Bang Bang Professional League Invitational 2022 (MPLI 2022).
Tagumpay ang koponan ni Kairi kontra sa tinaguriang dark horse ng turneo. Binaliktad nila ang maagang 2-0 lamang na naitala ng Geek Fam ID sa best-of-five serye para madepensahan ang kanilang titulo, sa final score na 3-2.
Sa kabila ng pagselyo ng isa nanamang kampeonato ng ONIC Esports, ipinabatid ni Kairi kina Baloyskie at Janaaqt na wala silang dapat ikalumbay.
Ang mensahe ni Kairi para kina Baloyskie at Janaaqt
Sa isang eksklusibong panayam ng ONE Esports, pinaalalahanan ni Kairi ang mga Pinoy players ng Geek Fam ID na manatiling taas-noo.
“… Don’t be sad, they did really well,” batid ni The Future. “They managed to destroy us in games one and two, and three almost.”
(‘Wag silang malungkot, maganda ang ipinakita nila. Nagawa nila kaming durugin noong una at ikalawang laro, muntik na rin noong ikatlo.)
Bumida ang gold laner na si Mohammad “Caderaa” Pambudi at EXP laner na si Luke “Luke” Valentinus sa panalo ng kanilang koponan noong unang dalawang mapa ng grand final. Tampok sa kanilang tagumpay ang nahulmang ‘Lethal Burst Meta’ na naglaglag sa mga kinatawan ng Pilipinas na Blacklist International at RSG Philippines.
Kaya naman dagdag ni Kairi, marami pa ang dapat abangan para sa Geek Fam ID:
“I think they’re someone to watch out for next season. I think they’re gonna improve a lot this coming Season 11 of MPL Indonesia and I hope that they will not give up.”
(Sa tingin ko dapat silang abangan para sa susunod na season. Sa tingin ko mag-iimprove sila nang sobra sa paparating na Season 11 ng MPL Indonesia, at sana hindi sila sumuko.)
Sobrang laki na raw kasi ng iginaling ng koponan simula noong una silang magharap sa MPL Indonesia Season 10. Matatandaang muntik pa ngang matalo ng Geek Fam ID ang ONIC Esports noong huling linggo ng regular season para maselyo ang kanilang spot sa playoffs ng turneo.
“… This MPLI, I think they really improved a lot. They proved that they are worthy of [being in the] grand finals of MPLI,” dagdag pa ni Kairi.
(Ngayong MPLI, nag-improve talaga sila. Napatunayan nilang karapat-dapat silang makalaro sa grand final ng MPLI.)
Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: ONIC Esports tagumpay sa MPLI 2022, nag-uwi ng US$35,000 premyo