Magbabanggaan ang dating magkakampi at ngayo’y magkalabang Pinoy imports na sina Kairi “Kairi” Rayosdelsol at Allen “Baloyskie” Baloy para sa kampeonato sa ONE Esports Mobile Legends: Bang Bang Professional League Invitational 2022 (MPLI 2022).
Ito’y matapos walisin nila Kairi at ONIC Esports ang huling pag-asa ng Malaysia na Todak sa iskor na 2-0 upang ikasa ang all-Indonesian grand finals laban sa Geek Fam ID ni Baloyskie sa US$100,000 o PHP5.8 milyon torneo.
ONIC Esports pinaluhod ang Todak, Kairi at Baloyskie maghaharap sa MPLI 2022 grand finals
Ipinakita ng kasalukuyang hari ng MPL Indonesia na ONIC Esports ang kanilang championship composure para manaig sa Game 1. Lumamang ang Todak sa early to mid game pero nabigyan ng ONIC ng espasyo ang Wanwan ni Calvin “CW” Winata para makapag-farm dahil na rin sa pagtangke sa mga clash at pag-contest sa mga objective ng jungle Fredrinn ni Kairi.
Dumating ang pagkakataon ng ONIC para baligtarin ang sitwasyon sa 15th minute nang mapitas nila CW si Muhammad “CikuGais” Fuad (Brody) at Zikry “Moon” Bin Shamsuddin (Gusion) sa bot lane habang nakagawa naman ng retribution steal si Kairi sa Enhanced Lord. ‘Di na napigilan ng Todak ang late game prowess ng Yellow Hedgehogs na itinala ang 24-minute comeback.
Tangan ang momentum patungong Game 2, sumandal sa 4-protect-1 strategy ang ONIC Esports sa pangunguna ng Lesley ni CW para tuldukan ang sweep sa loob lang ng 14 minuto.
Mabisang prinotektahan ng jungle Chou ni Kairi, Diggie, mid Grock at Benedetta ang Lesley na malayang nabitaw ang kanyang mahahapding bala. Nagpakawala si CW ng 91K damage at nakapaglista ng 10/1/5 KDA para pagbidahan ang nagbabagang opensiba ng kampeon ng Indonesia.
Susubukan ng ONIC Esports na panatilihin ang kanilang trono sa MPLI laban sa Geek Fam ID ni Baloyskie na pinadapa ang RSG PH sa isa pang semifinal match. Hangad naman ng Geeks na patunayan ang kanilang kalibre sa kabila ng bottom finish sa nakalipas na MPL ID Season 10.
Nakatakdang ganapin ang all-Indonesian grand finals mamayang 6:30 ng gabi.
Samantala, lumapag sa 3rd-4th place ang Todak at nakakuha sila ng US$9,000 o mahigit PHP500,000 na premyo.
Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.