Itinala ng Bren Esports ang ikalawang sweep sa kanilang unang tatlong laro para pabagain ang kanilang kampanya sa MPL Philippines Season 11. Hindi pinaporma ng Bren ang nakatapat na Nexplay EVOS na maaga nilang pinuksa sa Day 1 ng Week 2 para kuhanin ang ikalawa nilang tagumpay sa regular season.
Matapos ang serye, hinarap ng pangkat ang fans sa Shooting Gallery Studios sa Makati sa panayam kasama si Mara Aquino. Sa post-game interview, simple ang tugon ni Coach Francis “Duckey” Glindro sa tanong kung ano ang kaibahan ng team ngayon mula sa nakaraang seasons.
‘Playing from experience’ ang Bren ayon kay Coach Duckey
Ayon kay Coach Duckey, malaking bagay ang kanilang karanasan sa mga nakalipas nilang tournaments para mapagtibay ang kanilang tindig ngayong Season 11.
“I think the only thing na nagbago is that we’re playing from experience. kasi last season maraming rookies sa grupo, but now marami kaming natutunan last season, doon sa mga napanood namen particulary noong M4 tiyaka yung qualifiers nung SIBOL,” paliwanag ng M2 World Champion coach.
Sa tantiya niya sa team, masaya lamang daw sila at nagagamit nila ang mga napulot na aral mula sa nakaraang torneo para pagtibayin ang kanilang estado sa pinakamalaking MLBB liga sa bansa.
Lumutang din ang tanong kung sino sa tingin niya ang manlalaro sa Bren na pinakamalaki ang inimprove mula sa nakaraang season. Tugon niya, “Mahirap eh, lahat sila individually, marami silang nag-improve on. Lalo na nung nag-break kami, nung offseason break andami nilang natutunan individually.”
Paglilinaw pa ni Duckey, “I cannot take credit for it, kasi sariling aral nila yun eh. So I cannot pin point kung sino man yung ano, I’m just happy all improving together as a team.”
Susubukan ng mga panlaban ng The Hive na makuha ang ikatlo nilang panalo kontra TNC Pro Team ML sa February 26, Linggo.
Manatiling nakatutok sa pinakahuli sa MPL PH sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!