Hindi umubra ang lason ng Smart Omega sa kamandag ng Jungler Martis ng RSG PH sa pagbubukas ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Invitational 2022 (MPLI 2022).
Sentro ang bagong-lutong pick ng MPL PH S9 champions sa 2-0 demolisyon sa kapwa Filipino team para umangat sa ikalawang round ng international na torneo.
Jungler Martis ni 1rrad bida sa 2-0 sweep ng RSG PH kontra OMG
Patok na sa ranked games ang Jungler Martis ngunit bago pa sa paningin ng mga miron ang pagsalang ng fighter sa competitive play. Bagamat una na itong isinalang ng BURN x FLASH ni John “Zico” Dizon sa unang serye sa MPLI 2022 ay RSG PH ang unang nagpakita ng tunay na lakas ng fighter sa core role.
Sa kamay ni John “1rrad” Tuazon, nasaksihan ng fans ang tikas ng Ashura King matapos pumukol ng pambihirang 9/0/7 total KDA sa dalawang laro kontra sa OMG.
Hindi nagpatumpik-tumpik ang MSC 2022 champions na maagang nagbaga salamat sa bago nilang core hero. Purnada ang mga abante ng Faramis-centered lineup ng OMG sa dulas at soft crowd control ng Jungler Martis ni 1rrad sa game one, bago pagsasapak-sapakin ng Paquito ni Nathanael “Nathzz” Estrologo ang mga ito para isarado ang opener sa 16-1 kill score sa loob lamang ng halos 14 minuto.
Gayundin ang ipinamalas ng RSG PH sa game two, kung saan mas agresibong play ang napanood sa fighter core. Perpektong 7/0/7 KDA at 82% kill participation ang ipinako ni 1rrad sa Jungler Martis para iligpit ang OMG sa game two, at makalawit ang MVP of the game gantimpala.
Sa panalo, aangat ang RSG PH sa second round ng MPLI 2022 at kakaharapin ang magwawagi sa head-to-head ng Indonesian teams na Rebellion Zion at Alter Ego.
Samantala, malalaglag na ang Smart Omega mula sa kumpetisyon.
Sundan ang pinakahuli sa MPLI 2022 sa pamamagitan ng pagsubaybay sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.
BASAHIN: Geek Fam ID ni Baloyskie nilaglag ang RRQ Sena sa MPLI 2022