Bumida bilang Joy sa kauna-unahang pagkakataon si Edward Jay “EDWARD” Dapadap nang makaharap ng SIBOL ang Cambodia sa lower bracket final ng International Esports Federation World Esports Championship 2022 (WEC IESF 2022).

Si Joy ang pinakabagong hero na ipinakilala sa Mobile Legends: Bang Bang. Isa itong Assassin na ngayon ay unti-unting hinahanapan ng tamang puwesto sa kasalukuyang meta. Sa ibang mga laban, nakita na rin itong gamitin bilang jungler, tank, at midlaner.

Ngayon bilang EXP laner, nagsilbing susi ang pagpapakitang-gilas ni EDWARD para mawalis ng pambato ng Pilipinas ang natitirang hadlang patungo sa pagkakataong makapag-uwi ng gintong medalya mula sa gumugulong na turneo.



Joy ni EDWARD bumida sa tagumpay ng SIBOL kontra Cambodia sa IESF WEC 2022

Joy ni EDWARD sinelyo ang rematch ng PH at ID sa IESF WEC 2022
Credit: Blacklist International

Inilabas ng SIBOL ang Joy ni EDWARD sa ikalawang mapa ng best-of-three. Gaya ng naunang laro, pinangibabawan ng mga miyembro ng Blacklist International ang bakbakan.

Early game pa lang ay malinaw nang ang mga Pinoy ang nagpapatakbo ng laban. Pagsapit ng ika-anim na minuto, natagpuan ni EDWARD and kanyang sarili kaharap ang apat na miyembro ng Cambodia sa may bottom lane.

Joy ni EDWARD sinelyo ang rematch ng PH at ID sa IESF WEC 2022
Credit: Garudaku ESI

Ang mabilis na sanang pagpitas sa Pinoy ay halos mauwi pa sa isang one-for-one trade. ‘Pagkatapos kasi ng Divine Judgment, sinayawan na lang ng Joy ni EDWARD ang kanyang mga kalaban na muntik pang ikamatay ng Beatrix ni Chhuon “Oppi” Phengkong.

Sa isang eksklusibong panayam ng ONE Esports, hindi naitago ni EDWARD ang pagkagalak sa bagong hero.

“Bina-ban kasi si Benedetta eh. Gusto ko ‘yung mga nagda-dash eh… Saktong-sakto ‘yung bagong hero ni Moonton—‘yon, thank you Moonton,” aniya.

Nang usisain naman ang mga baon pang stratehiya ng koponan, ito ang sinigurado ni Mr. Consistent para sa mga tagasuporta ng SIBOL at Blacklist International:

Credit: MPL Philippines

“Marami pa. Wala pa yun.”

Muling haharapin ng kinatawan ng Pilipinas ang kinatawan ng Indonesia na binubuo ng mga manlalaro ng EVOS Esports. Gaganapin ang laban para sa gintong medalya bukas, ika-11 ng Disyembre.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: ‘Di tulad ng SIBOL, walang problema ang Indonesia sa mga device na gamit sa IESF 14th WEC