Bitbit ang kanyang malawak na karanasan, pamumunuan ni world champion player Jaypee “Jaypee” Dela Cruz ang ECHO Proud sa kauna-unahang season ng Mobile Legends: Bang Bang Development League Philippines (MDL PH).

Inilahad ng M4 world champion organization ang opisyal na roster ng kanilang MDL PH squad sa social media pages nila nitong Sabado ng gabi, ika-4 ng Pebrero.

Bukod sa 24-year-old player, kinabibilangan din ang koponan ng ilan pa sa mga beteranong manlalaro na nakipagsagupaan na rin sa Mobile Legends Professional League Philippines (MPL PH).


Kumpletong lineup ng ECHO Proud para sa MDL PH Season 1 tampok si Jaypee

Jaypee kabilang sa roster ng ECHO Proud para sa MDL PH Season 1
Credit: ECHO
  • Jaypee “Jaypee” Dela Cruz (roamer)
  • Jankurt Russel “KurtTzy” Matira (mid laner)
  • Justine “Zaida” Palma (jungler)
  • Jhonville “Outplayed” Villar (gold laner)
  • James “Jeymz” Gloria (EXP laner)
  • Renz Adrian “Seichu” Lope (mid laner)

Inaasahan na magsisilbing lider ang isa sa mga haligi ng Sunsparks na sumungkit ng dalawang magkasunod na titulo sa MPL PH noong Season 4 at 5. Naglaro rin siya sa unang edisyon ng world championship na M1 at humalili kay Tristan “Yawi” Cabrera sa unang dalawang laro ng ECHO sa group stage ng M4.

Nasa koponan din ang isa pang world champion player na si KurtTzy. Nagsilbi siya bilang isa sa mga sub ng ECHO sa nakalipas na pandaigdigang torneo na idinaos sa Jakarta, Indonesia at bumida rin siya para sa Smart Omega noong M2.

Credit: Moonton

Mula rin sa MPL PH team ng Purple Orcas sina Zaida at Outplayed habang galing naman sa Nexplay EVOS si Jeymz. Kinumpleto ng bagong manlalaro na si Seichu ang roster ng koponan.

Susubukan ng ECHO Proud na dalhin ang championship mentality ng kanilang main team mula sa M4 patungo sa pambukas na season ng MDL PH.

Babanggain nila sa panibagong liga ang Blacklist Academy, RSG Ignite, Bren Euphoria Esports, ONIC Arsenals, Smart Omega Neos, TNC Neo, NXPE Tiger Cubs at non-MPL teams na ZOL Esports at GameLab.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.