Nagbigay ng pahayag ang isa sa mga roamer ng ECHO na si Jaypee “Jaypee” Dela Cruz ukol sa kanyang mga palagay sa nalalapit na M4 World Championship.
Sa eksklusibong panayam ng ONE Esports, ibinahagi ng ECHO roamer ang kanyang basa sa kanilang kinabibilangang group sa paparating na tournament. Makakasama nila sa grupo ang RRQ Hoshi ng Indonesia, at maraming nagsasabing magiging top team sila ng group stage basta malampasan nila ang Indonesian team.
Sinang-ayunan naman ng 2-time MPL champion ang opinyon ng marami at sinabing mataas ang tsansa na makalabas sila sa group stage papunta sa playoffs. “Siguro ano… High chance upper bracket,” sabi niya.
Jaypee sinabing handang handa na nilang makatapat si Coach Arcadia
Sa panayam, sinabi ng 24-year-old roamer na bukod sa ONIC Esports ay nais din talaga nilang makasagupa sa M4 ang RRQ Hoshi, ang bagong team na kinabibilangan ng dating coach ng ECHO na si Michael “Arcadia” Bocano.
Ang dating coach rin ang dahilan kung bakit gusto ng roamer na makatapat ang RRQ Hoshi. “Sa RRQ kasi, andun si Coach Arc, gusto naming labanan,” pangiting sabi ni Jaypee.
At dahil sa sinabi niyang may mataas na tsansa ang ECHO na maging number one team sa kanilang group, kumpyansang sinabi ni Jaypee na sobrang pamilyar na siya sa laro at strategy ng dating coach. “Basado na si Coach Arc eh,” pabirong nabanggit ni Jaypee.
Ngunit nilinaw ni Jaypee na maayos ang relasyon ng kanyang team at ni Arcadia. Sa kabila ng paglipat niya ng team ay maayos pa rin silang nakakapag-usap at walang anumang samaan ng loob.
Sa pagtatapos ng interview, siniguro ni Jaypee na mas malakas na ECHO ang masasaksihan ng lahat sa darating na MLBB world championship bunga ng kanilang mga natutunan mula sa mga pagkakamali at bagong karagdagang experience.
Makakasama ng ECHO ang Blacklist International na kakatawan sa Pilipinas sa M4 World Championship na magsisimula sa January 1.
Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.