Isa ang Arlott sa sumisikat na hero picks sa EXP lane partikular na sa MPL Philippines Season 11. Bagamat hindi kagilagilalas ang 50% winrate nito sa sampung beses na naisalang sa mga laro sa regular season, hindi maitatanggi ang kaya nitong iambag sa isang komposisyon.

Bukod kasi sa mabilis na mobility ng fighter dahil sa kaniyang low cool down ability na Vengeance, pambihira ang kargang damage at sustain nito lalo na kung paparisan ng regeneration items. Kaya naman sa MPL PH, halimaw ang Arlott users partikular na sa early game.

Credit: MPL Philippines

Isa sa mga nagpamalas ng pambihirang gilas sa hero 2-time MPL PH MVP na si Edward “EDWARD” Dapadap ng Blacklist International. Sa pinakahuling hawak ni EDWARD sa Arlott, ipinakita ng EXP laner ang tindig ng fighter/assassin para ibigay ang 2-0 sweep kontra Nexplay EVOS sa kanilang Week 4 bakbakan.


Arlott ni EDWARD: Item Build at Emblem set

Credit: MPL Philippines

Early Game items sa Arlott ni EDWARD

Dalawang beses hinawakan ni EDWARD ang Arlott kontra NXPE at mapapansin ang prayoridad niya sa pagbuo ng Fury Hammer at may punto ang EXP laner kung bakit ganito.

Mapapalakas ng +35 Physical Attack at +12 Physical Penetration ang kaniyang pang-harass na abilidad na Dauntless Strike at ang ultimate niyang Final Slash, daan para mapaigting pa ang abante ng kaniyang hero sa early game sa murang halaga.

Credit: Moonton

Bagamat nakaka-engganyo ang pagbuo ng Hunter Strike o di kaya naman ay Blade of Heptaseas mula sa Fury Hammer, binibigyang prayoridad ni EDWARD ang defensive items para makatagal sa lane at team fights.

Sa game one kontra Nexplay, maagang Radiant Armor ang kinuha ng pro para magtagal sa harap ng kalabang Gloo at para na rin masalag ang damage mula sa midlane Valentina ng White Tigers. Pinalakas naman niya ang kaniyang Physical Defense sa pagbubuo ng Dominance Ice, para na rin mabawasan ang regeneration ng kalabang team.

Samantala sa game two, inuna ng pro ang Dominance Ice para makontra ang spell life steal ng katapat niyang Lapu-Lapu, at pinalitan ang Radiant Armor ng Athena’s Shield para maiwasan ang Burst Damage mula sa Pharsa at Karina ng NXPE.


Mid game to late game items sa Arlott ni EDWARD

Pagkaraan ang dalawang defensive items sa game one, Thunder Belt naman ang sunod na pickup ng EXP laner. Swabe ang +800 HP, +40 Physical Defense, +30 Mana Regen at +10% Cooldown reduction effects ng item kung kaya’t kaya niyang humarap kung kinakailangan, o di kaya naman ay gamitin ang kaniyang skills para maging panganib kontra sa kalabang damage dealers.

Kaiba ang naging atake ni EDWARD sa game two dahil Brute Force Breastplate ang kaniyang naging pickup. Dahil dito, pinalakas niya di lamang ang kaniyang depensa, kundi ang kaniyang mobility dahil sa +2% Movement Speed, paraan para makahabol siya sa madulas na kalaban sa backlines.

Hindi man nasaksihan sa dalawang laro, malamang ay kukuha na ang Arlott ni EDWARD ng Immortality para sa kaniyang final item, at itutuloy ang Fury Hammer papunta sa Hunter Strike o Blade of Heptaseas base sa pangangailangan.


Emblem set na ginagamit ni EDWARD sa Arlott

Para sa kaniyang Emblem set, ang Fighter Emblem at Unbending Will talent ang kinukuha ni EDWARD. Swabe kasi ang karagdagang 0.2% Physical Damage (hanggang 12%) sa bawat 1% Lost HP sa kaniyang hero.

At dahil pampakunat ang items na binubuo niya sa Arlott, napakasakit ng hagupit ng hero na kayang pumunit ng malalambot na mage o di kaya naman ay marksman.


Para sa iba pang MLBB Guides at tips, sundan lamang ang Facebook ng ONE Esports Philippines!

BASAHIN: Bren Cheese Pick Era? Pheww ibinahagi ang rason sa kakaibang picks na Julian at Arlott kontra Blacklist