Siniguro ng RSG Slate Philippines ang kanilang pwesto sa playoffs ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Season 11 (MPL PH S11) matapos nilang talunin at tuluyan nang patalsikin sa tournament ang Nexplay EVOS sa huling linggo ng liga. Mapapansin din ang pagbabalik ng dati nilang jungler na si John Darry “Irrad” Abarquez.
Naglaro si Irrad bilang jungler ng RSG Ignite para sa unang season ng Mobile Legends: Bang Bang Development League Philippines (MDL PH), ngunit ibinalik siya sa huling linggo ng MPL PH S11 regular season bilang panghalili kay John Paul “H2wo” Salonga.
Tinanghal siyang MVP sa dalawang games kontra Nexplay EVOS, una bilang Lancelot na may 5/3/10 KDA, at Joy naman sa ikalawang game na may 8/3/7 KDA.
Jungle Joy build ni Irrad
Sa isang eksklusibong panayam ng ONE Esports, hinimay ni Irrad ang kanyang jungle Joy build na naging isa sa mga dahilan ng kanilang pagkapanalo sa Game 2 kontra NXPE.
“Yung build ko sa Joy is Arcane Boots, Genius Wand, Holy Crystal, Blood Wings,” sabi ng RSG Slate jungler.
Para sa ikaapat na build, ipinaliwanag ng pro player na idinedepende niya ito sa item ng kalaban. “If may Athena yung kalaban, pwede kayong mag-Divine Glaive, kung may Radiant, pwede kayong mag Glowing Wand,” sabi niya. “And yung last build is Winter Truncheon.”
Para sa emblem, sinabi niyang gumagamit siya ng Mage Emblem na may Mystery Shop bilang talent upang mas mabilis na makabuo ng mga items.
Tips ni Irrad para sa mga Joy users
Bago magtapos, nag-iwan din ng ilang mahahalagang payo si Irrad para sa mga Joy users kagaya niya.
Ayon sa kanya, mahalaga na maiwasan ang mga kalaban na may crowd control na maaaring pumigil sa kanyang pag-dash gamit ang Meow, Rhythm of Joy!, ang kanyang pangunahing skill pagdating sa pagbibigay ng damage. Importante na hintayin munang mabitawan ng mga kalaban ang kanilang crowd control skills bago pumasok at sumama sa team fight.
“Huwag kagad kayong papasok. Halimbawa Franco o Kaja yung kalaban niyo, hintayin niyo muna silang kumagat o humatak para makapasok kayo.”
Maaari din daw gamitin ang mga jungle monsters bilang spring board ng kanyang second skill at upang mas madaling ma-activate ang kanyang Ha, Electrifying beats! ultimate.
“Gamitin niyo yung mga creeps para makapag-dash kayo and para ma-dominate niyo yung [kalabang] hero,” sabi ng jungler.
Unang makakalaban ng RSG Slate ang ONIC PH sa MPL PH Season 11 playoffs na gaganapin mula May 4 hanggang May 7.
Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.