Kahit nasa tugatog pa ng mundo ng Mobile Legends: Bang Bang, ngayon pa lamang ay sinisikap na ng Blacklist International superstar duo na sina Jonmar “OhMyV33NUS” Villaluna at Danerie “Wise” Del Rosario na maseguro ang kanilang kalagayang pinansyal sa hinaharap.
Ang duo na mas kilala din sa tawag na “V33Wise” ay kasalukuyang namumuhunan sa isang investment gamit ang kinikitang salapi mula sa kanilang karera bilang professional players.
Matapos ang tagumpay kontra TNC Pro Team sa Week 3 ng MPL Philippines Season 11, ibinahagi nina OhMyV33NUS at Wise ang pinakabago, at posibleng pinakamalaking investment sa eksklusibong panayam kasama ang ONE Esports.
OhMyV33NUS at Wise nakatutok maging “future-secured” bago matapos ang Mobile Legends karera
Bilang beterean na sa esports, batid ni OhMyV33NUS ang nangyayari sa kapwa pro players niya matapos ang kanilang mga karera. Kaya naman ang pro at ang katambal, maagang ipinamuhunan ang kanilang pera sa mga negosyo habang naglalaro pa sa liga.
“Napapaisip na rin siguro kami dahil sa katagalan namin sa esports kung ano nga ba ang pwedeng mangyari sa amin after ng career naming,” kuwento ng kapitan ng Blacklist sa ONE Esports. “So might as well na mag-invest na kami hangga’t kaya pa namin sa mga bagay na makakatulong sa’min in the future and ayun doon kami nag-conclude na magtayo kami ng business and mga passive income talaga”
Naunang plano ng magkatambal ang pamumuhunan sa apartment o condominium ngunit kalunan ay napagtanto nilang gusto nilang magpatayo ng sariling resorts at events place. Ito ay pagkaraang maimbitahan ng dating MLBB pro player na si Renz “Pein” Reyes ang dalawa sa kaniyang resort.
Bumili ang duo ng lupa sa Pandi, Bulacan na may sukat na 1.06 hektarya ayon kay Wise.
Ayon sa isang Facebook post ni Wise, papangalanang V2 Resorts & Events Place ang naturang lugar.
Paglalahad pa ng V33Wise, Bali-inspired daw ang magiging hitsura nito hango sa kanilang magandang karanasan sa Indonesia noong nakalipas na IESF 2022 World Esports Championship. Nais sana daw nilang makumpleto ito ngayong taon o di kaya ay sa 2024.
Samantala, hangad ngayon ni OhMyV33NUS na dagdagan ng cosmetic at skin care products ang kanilang V33Wise Sari Sari Store, ang eksklusibong merch shop ng magkatambal.
Sundan ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga balita tungkol sa MLBB Esports, guides at marami pang iba.
BASAHIN: Ang pangarap na premyo ni OhMyV33nus ngayong season: hindi ang MPL PH S11 trophy