Hindi na bago kay Karl “KarlTzy” Nepomuceno ang pressure at emosyon na kaakibat sa paglahok sa pinakamalaking Mobile Legends event ng taon.

Walang makakalimot sa pagpapamangha ng superstar jungler noon sa unang tungtong niya sa grand stage noong M2 World Championship, kung saan pinangunahan niya ang BREN Esports para makuha ang presitihiyosong world title. Sa proseso, nakalawit ni KarlTzy ang Finals MVP tropeyo, at ang paghanga ng milyung-milyon fans sa buong mundo.

Credit: Karl Nepomuceno

Ngayon, may pagkakataon ang 18-anyos na pro na bumalik sa tugatog ng eksena at isemento ang kaniyang pangalan bilang pinaka-premyadong player sa world stage. Ito ay kung magagawa niyang pangunahan ang kaniyang ECHO sa malubak at mapanganib na daan.

Kaya naman ang batang pro, puspusan ang preparasyon para sa matinding dikdikan na magaganap sa Enero. Kaalinsabay ng paghahanda sa loob ng laro, todo rin ang ginagawang paggagayak ng ECHO jungler sa personal niyang mindset at mentality ng team.


KarlTzy mas teamplayer daw ngayon kumpara sa bersyon niya noong M2

Credit: MPL Philippines

Eksklusibong nakapayam ng ONE Esports Philippines si KarlTzy upang alamin ang kaniyang mga aktibidad bago gumulong ang M4. Hindi itinago ng tubong Antipolo ang malaking pagkakaiba sa kaniyang mindset mula M2 papunta sa iterasyon ng M World Series ngayon.

Pag-aamin niya, “Noong M2 kasi parang mas naghahangad ako mag-MVP ganoon, makuha ko yung spotlight.”

Bagamat nagbunga ang kaniyang agresyon para makalawit ang indibidwal na gantimpala at ang kampeonato para sa hanay ng BREN noon, batid ng pro na lampas sa kaniyang indibidwal na kakayanan ang kinakailangan para mapagtagumpayan ang inaasam sa Jakarta ngayong 2023.

“Pero ngayon po parang wala na akong pake sa ganoon, pokus na lang po ako mag-champion. Mas team player ako ngayon,” sambit ni Karl.

Credit: ONE Esports

Ukol naman sa natutunan niya sa karanasan noong M2, maigi daw niyang pinapayo sa kaniyang team na huwag ismolin ang mga makakatapat sa kumpetisyon.

Paliwanag ni KarlTzy “Siguro po yung sa kalaban, kasi po sa M2 noon, natalo kami sa Burmese Ghoul. Hindi namen ineexpect. Mas iaano ko na, huwag namen maliitin yung kalaban.”

“Hindi po talaga puwedeng papetiks-petiks lang.”

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga eksklusibong content tungko lsa MLBB.

BASAHIN: May isang player na gustong makatapat si Yawi sa M4, sino ba ito?