Usap-usapan nitong mga nakaraang araw ang pagtalon ng dating talent at tinaguriang Chief Entertainment Officer (CEO) ng Smart Omega na si Robert “Hito” Candoy papunta sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Malaysia (MPL MY) upang maglaro bilang gold laner para sa defending champion na Team HAQ.
Bilang isa na namang Pinoy import na sasabak sa MLBB pro scene ng ibang rehiyon, isa ang dating Omega talent sa mga patunay na nasa Pilipinas talaga ang mga pinakamalalakas na players sa buong mundo.
Nagkaroon ng pagkakataon ang ONE Esports na makausap si Hito tungkol sa nalalapit niyang debut sa Malaysian pro scene, at ibinahagi niya ang kanyang mga saloobin tungkol sa napipintong pagsagupa sa ibang bayan.
Ibang Hito ang makikita natin sa MPL MY S11
Inamin ng gold laner na isa sa mga dahilan kung bakit tinanggap niya ang alok ng Team HAQ ay dahil matagal niya nang gustong maglaro. At para sa kanya, ito na ang panahon para ilabas niya ang kanyang potensyal.
Ngayong kasado na ang paglalaro niya sa Malaysia, sinabi niyang papatunayan niya ang kanyang husay. Kakaibang Hito aniya ang makikita natin sa MPL MY S11, isang player na maihahalintulad sa dati niyang teammate sa Omega na si Duane “Kelra” Pillas.
“Hito ang pangalan ko, sobrang dulas,” sabi ng pro player. “Pag in-game na yung pinag-uusapan, dun ko ipapakita na KDA player ako na mahirap patayin, na hindi basta-basta naaabot, katulad ni Kelra.”
Bukod dito, may misyon rin na gustong tuparin ang bagong gold laner ng Team HAQ. Bagay na magiging daan upang makatagpo niya ng landas ang mga kapwa gold laners at dating kasangga na sina Kelra, at Mark “Markyyyyy” Capacio ng Bigetron Alpha.
“Ang gusto ko talaga, makuha ko ang championship ng MPL MY Season 11,” sabi niya. “Gusto kong makita sina Kelra at Markyyyyy sa MSC.”
Malaki ang pasasalamat ni Hito sa oportunidad na natanggap, kung kaya’t pinapangako niyang magsusumikap siya at ibibigay ang lahat nang kanyang makakaya.
“Sobrang laking tulong sakin, syempre pati na sa family ko. Proud na proud sila kasi naging import ako ng ibang bansa. Sobrang tuwang tuwa ako, kaya hindi ko sila bibiguin.”
Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.