Sino bang hindi makaka-alala sa matinding crossover plays ni Allen “Baloyskie” Baloy sa M3 World Championship, o di kaya naman sa kulit ni Tristan “Yawi” Cabrera ngayong MPL PH Season 9 gamit ang assassin hero? Sa madaling sabi, may hiwagang dala ang Natalia pick sa Mobile Legends lalo na sa competitive play. Pero ano ba ang magiging reaksyon mo kung malalaman mong may natural na Natalia counter heroes na maaari mong gamitin?
Totoo. Nakaka-aning makalaban ang isang magaling na Natalia user. Bukod sa abilidad ng hero na mang-scout ng galaw at kumalmot-kalmot para sa early kills, bwisit ang ultimate nito na binibigyan siya ng abilidad na maging invisible at dumulas papasok o palayo ng team fights.
Kaya naman hindi na rin kagulat-gulat na isa itong viable pick ngayon sa MPL Philippines at Indonesia. Kung susuriin nga ang hero data sa MPL ID, mataas ang win rate ng assassin na tumuntong ngayon sa 89%. Dahilan ito para itanong muli ito: ano ang mga heroes na maaaring gawing Natalia counter?
Maaaring gawing Natalia counter picks ang heroes na ito
Hylos
Hindi na rin siguro lingid sa kaalaman na ang Hylos ay isa sa mga picks na maaaring tumapat sa koponang may Natalia. Naka-angkla ito sa kit na mayroon ang tank. Malaking bagay kasi ang Ring of Punishment at Glorious Pathway dahil kung didikit ang assassin sa Hylos ay siguradong bwisit ang sinumang Natalia user.
Slow at damage per second ang aabutin ng assassin kapag nadikitan ng Grand Warden, kaya naman isa ito sa pinakamagandang Natalia counter pick.
Rafaela
Hindi maipapayo ang paggamit ng malalambot na support heroes bilang Natalia counter pick, maliban na lamang kung Rafaela ang pipiliin. Gamit ng player na may map awareness, madaling matunton ng Rafaela ang posisyon ng nagtatagong assassin gamit ang Light of Retribution.
At alam mo naman siguro ang mangyayari kapag natanggal ang invisibility ng assassin hero. Bukod sa hindi na makaka-engage ito, madali na ring itong matalunan ng damage dealers ng kabilang team lalo pa kung masweswertehan ng Holy Baptism. Bugbog talaga.
Popol and Kupa
Hindi popular ang Popol and Kupa bilang Natalia counter pero may punto ang ilang players na humahawak sa marksman kapag may presensya ng nasabing assassin. Malaking bagay ang traps na mayroon ang P and K, kasama na din ang desenteng range ng hero. Sa mga pagkakataong nagkamali ng pasok ang Natalia ay madaling maka-counter engage ang marksman gamit ang Bite em Kupa na madaling pupunit sa roaming assassin lalo na kung may items na ang laning hero.
Sundan ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa iba pang hero guides sa Mobile Legends.