Gaya ng ibang laro na kabilang sa tinatawag na Multiplayer Online Battle Arena (MOBA) subgenre, malaking bahagi ang pag-intindi at pagyakap sa tinatawag na hero roles sa Mobile Legends: Bang Bang.
Kung baguhan ka pa lamang sa laro, ang “role” ay kung ano mismo ang pagkakaintindi mo rito. Ito ang papel na gagampanan ng iyong hero sa kabuuan ng laro para tulungan ang iyong koponan na makamit ang panalo.
Pero ano nga ba ang iba’t-ibang klase ng hero roles sa Mobile Legends? Ano nga ba ang mga dapat mong gawin para magampanan mo ang napili mong role?
Iba’t-ibang hero roles sa Mobile Legends
Tipikal na tema sa mga MOBA ang pagkakaroon ng tatlong lanes kung saan nagsisimula ang bakbakan ng magkalabang teams. Ganito din ang mayroon sa MLBB.
Maiging banggitin muna ito dahil direktang magkaugnay ang hero roles sa Mobile Legends sa kung saang lane nakapuwesto ang iyong hero.
Mapapansin na nasa dalawang sidelanes ang tinatawag na Gold lane at Experience lane, bagamat nagpapalit ang mga ito ng puwesto depende kung ikaw ay nasa red side o blue side team (bibigyan natin ito ng diskusyon sa susunod na article).
Bukod sa dalawang lanes na ito, mapapansin din ang mid lane na maiging prinoprotektahan ng bawat team, at ang jungle area kung saan nakalugar ang mga creeps o jungle buffs.
Jungler/Core
Sa Mobile Legends, ang jungler ay ang hero na nakasentro ang laro sa pagkuha ng jungle buffs at creeps kung saan nagmumula ang kaniyang gold at experience.
Dahil nakadepende sa pagpatay ng mga creeps ang jungler, tipikal na inilalagay sa posisyon ang mga heroes na malakas ang early damage potential at mayroong wave clear gaya ng Lancelot, Yi Sun Shin at Hayabusa.
Madalas ding nakasalalay sa jungler ang magiging rotation ng team sa mapa, kaya naman isa ito sa mga hero roles sa Mobile Legends na ipinapahawak sa mga magigilas sa larangan ng mechanical skills at efficiency.
Tank/Roamer
Ang tank o kilala din bilang support o roamer ay isa sa mga pinakaimportanteng roles na dapat punan sa Mobile Legends. Trabaho ng roamer na tulungan ang kaniyang team sa pagkuha ng objectives, tulad ng pagkuha ng Turtle, Lord at mga jungle buffs.
Bukod dito, gumaganap din bilang setter ang mga roamers para bigyang daan ang opensa at depensa ng koponan. Isa sa mga pinakaunang malalaro mo na hero sa Mobile Legends si Tigreal na isang tank hero.
Gaya ng ibang MOBA, madalas na support/roamer ang nangunguna sa execution na gagawin ng team sa mga objectives at teamfights (o tinatawag ding shotcalls) kaya tipikal na eksperyensadong player ang pumupuno sa role na ito.
Isa sa mga tanyag sa role na ito si Joshua “Ch4knu” Mangilog ng Smart Omega dahil sa kaniyang kapabilidad na gumawa ng mga high-level sets na nagbibigay oportunidad sa kaniyang team lalo na sa clutch moments ng laro.
Midlaner
Ang midlaner ay isa sa mga hero roles sa Mobile Legends na nagdidikta sa daloy ng rotation at teamfight ng isang koponan. Tipikal sa meta sa MLBB ngayon ang dalawang uri ng midlaner; ang “killing” o “supporting” midlaners.
Anumang uri ng midlaner ang mayroon sa iyong team, iisa ang layunin ng role na ito at iyon ay i-clear ang midlane at tulungan sa pagkuha ng objectives ang team.
Kilala ang Blacklist International midlaner na si Johnmar “OhMyV33NUS” Villaluna bilang isa sa mga pinakamagaling sa mundo sa role na ito. Ito ay dahil sentro ang kaniyang hero picks tulad ng Mathilda, Estes at Rafaela na mga sustain heroes sa sikat na Ultimate Bonding Experience (UBE) Strategy.
Gold laner/ Non-Turtle Laner
Maraming hero roles sa Mobile Legends, ngunit ang pinakakritikal na pumapel sa late game ay ang tinatawag na gold laner.
Ang gold laner ay ang hero na nakapuwesto sa gold lane, at inaasahan ang hero na ito na makaipon ng ng gold para makakuha ng items upang tulungan ang team makakuha ng objectives, lalo na sa huling phase ng game.
Malimit na magaling sa micromechanical skills ang mga player na pumupuno dito dahil tipikal din na one on one ang sitwasyon sa gold lane. Kaya kung nais mong maging matagumpay sa role na ito, kailangan mong matutunan ang mga pasikot-sikot sa controls sa laro.
Si Duane “Kelra” Pillas ng Smart Omega ang isa sa mga tanyag na gold laners sa MPL PH eksena dahil sa kaniyang agresibong istilo, gayundin ang kaniyang map awareness at micro skills.
EXP laner/ Turtle Laner
Sa mga bago pa lamang sa laro, ang EXP laner ay isa sa mga hero roles sa Mobile Legends na mahahalintulad sa tinatawag na offlaners sa ibang MOBA.
Gaya ng Gold laner, ang EXP laner ay dapat mahusay din sa one on one situations at may kapabilidad na mag-sustain ng kaniyang lane. Importante din na malakas ang impact ng skills ng hero sa lane na ito sa mga team fights dahil madalas ay ang turtle laner ang humaharap sa bakbakan.
Kaya naman madalas na isinasalang ang makukunat na heroes tulad ng Paquito, Phoveus at Alice sa lane na ito dahil kaya nilang manatili sa bakbakan ng matagal, gayundin ay makapagbigay ng damage.
Ngayong napaliwanagan na kayo tungkol sa mga hero roles sa Mobile Legends, abangan ang mga susunod pang mga gabay tungkol sa laro sa pamamagitan ng pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines!