Mahigit isang taon na mula noong kinuha ng Blacklist International si Salic “Hadji” Imam bilang kapalit ni Mark Jayson “ESON” Gerardo sa main five ng koponan.
Naging kapalitan ni captain Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna sa midlaner/support at roamer role si Hadji pagpasok niya Blacklist noong MPL Philippines Season 8. Kalaunan ay naging pangunahing mid-support player na ang dating jungler ng Smart Omega.
Hindi malinaw kung paano napagdesisyunan ng koponan na ipalit si Hadji kay ESON sa starting lineup. Sa eksklusibong panayam ng ONE Esports, ikinuwento ni Blacklist International General Manager Elrasec “Rada” Ocampo ang nangyaring proseso.
Ganito tinanggap ni ESON ang pagpalit sa kanya ni Hadji sa main five ng Blacklist, ayon kay Boss Rada
Inilahad ni Boss Rada na isa sa mga factor sa naging pasya nila ang resulta sa Mobile Legends Southeast Asia Cup (MSC) 2021. Dito ay nagapi ang Blacklist International ng kanilang karibal na sila Duane “Kelra” Pillas at Execration sa grand finals sa iskor na 4-1.
Napansin sa nasabing torneo ang lebel ng laro ni ESON at ang butas sa dinamiko ng koponan, partikular na sa koneksyon niya sa madikit na tandem nila OhMyV33nus at Danerie James “Wise” Del Rosario.
“Actually, it’s a discussion to make kasi during that time alam naming lahat, and Eson also knows this, na nasa peak level na siya. In terms of bottlenecking mechanically speaking, pagdating sa performance ng team, doon tayo kay Eson talaga nagkakaroon ng (problema). Walang dynamic na pagdating sa kung paano ang connection niya with Vee, with Wise,” paliwanag ni Rada.
Bilang propesyonal na manlalaro, tinanggap ng isa sa mga pinakabeterano sa MLBB esports scene ang ginawang desisyon para sa ikabubuti ng koponan, kahit pa bahagi siya kung bakit nakuha ng organisasyon ng kanilang unang titulo sa MPL PH noong Season 7.
“Ako ‘yung napaka-emotional that time kasi siya tanggap na niya. Pero ako mismo ‘yung nagsasabi, ‘Son, sorry ah. Kasi parang feeling ko ito ‘yung feedback ng team, ito ‘yung sinabi mo rin… Pero si siya? It’s really, sa part niya, ‘Hindi boss, tanggap ko iyan. Kasi tumatanda na kami. Ito lang talaga ‘yung meron kami.'”
Dito na saktong pumasok ang panibagong role niya sa koponan. Hindi lang siya basta naging substitute player bagkus ay malaki ang naibigay niyang tulong kila coach Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza at analyst Dexter “DEX STAR” Alaba.
“Ang tanong na lang niya, ‘Anong role ko next?’ So, that’s the time nag-align ‘yung stars. Kailangan ni Vee ng coaching staff na talagang may better dynamic, which is doon na siya napunta kasama sila Dex at Bon. Tapos si Bon after Season 8, nag-suggest na kunin si Master The Basics (Aniel Jiandani).”
Hindi rin naman sinayang ni Hadji ang pagkakataon. Itinanghal siyang Regular Season at Finals MVP, at tinulungan ang Blacklist International na depensahan ang trono sa MPL sa kanyang debut season bilang isa sa Codebreakers.
Nasungkit din nila ang korona sa M3 World Championship, gintong medalya sa 31st Southeast Asian Games habang kinakatawan ang SIBOL, at ikatlong titulo sa MPL nitong Season 10.
Sa darating na M4 sa susunod na buwan, siguradong malaki pa rin ang papel na gagampanan nila ESON at Hadji sa misyon ng Blacklist International na itala ang makasaysayang back-to-back championship sa pinakamalaking Mobile Legends tournament.
Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.