Opisyal nang inanunsyo ng RSG Slate Philippines si John Paul “H2wo” Salonga bilang ang pinakabagong miyembro ng kanilang koponan para sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 11 (MPL PH S11).

Isinapubliko ang naturang roster move ilang oras matapos pasalamatan ng Nexplay EVOS ang naturang jungler para sa kanyang paninilbihan bilang ang jungler ng koponan simula noong makapasok sila sa liga noong ika-anim na season.

H2wo pasok bilang jungler ng RSG Slate PH sa MPL PH S11
Credit: ONE Esports

Kinumpirma nito ang mga agam-agam na nagsimula noong mamataan si H2wo na tila nasa bootcamp ng RSG. Lalong umitin ang usapan nang maisapubliko ang isang litrato kung saan naka-RSG jersey na ang naturang manlalaro, kasama si Renejay “RENEJAY” Barcarse na suot ang Blacklist International jersey.



H2wo nagpasalamat sa NXPE at RSG

Sa isang social media post, ipinabatid ni H2wo na hindi niya inakalang mapapasama siya sa mga “thank you” post ng Nexplay EVOS lalo na’t pamilya na ang turing nila sa mga bumubuo nito.

Pinasalamatan niya rin ang Big Three na binubuo niya, Renejay, at Tristan “Yawi” Cabrera ng ECHO.

H2wo pasok bilang jungler ng RSG Slate PH sa MPL PH S11
Credit: MPL Philippines

“Sa mga [teammates] ko before, salamat sa solid na samahan! Renejay, mahal kita kapatid. Mag-excel ka sana sa team mo na bago at sa lahat ng ginagawa mo. Yawi, dito tayo nag kakilala. Mahal din kita kapatid, ayusin mo mga desisyon mo sa buhay. Habol kame ni Renejay sa’yo, hintayin mo kame,” sulat niya.

Matapos ding pasalamatan sina Setsuna “Akosi Dogie” Ignacio, at girlfriend niyang si Mika Salamanca, nagpasalamat din si H2wo sa RSG dahil sa pagtanggap nila.

“RSG na tayo mga katubig pero ako parin yung same H2 na minahal n’yo. These past few seasons alam ko hindi ako nag-excel pero hayaan n’yo ako patunayan ulit sarili ko sa inyo. Ita-try ko best ko para makabawi. New season, new environment,” aniya.



Sa ngayon, nakatakda pang ianunsyo ng RSG Slate PH ang kumpletong listahan ng mga miyembrong bubuo sa kanilang roster para sa MPL PH S11.

Para sa karagdagang esports balita, guides, at highlights, i-follow lang ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: RSG Ignite sasabak sa MDL PH S1 tampok sina Kousei, 1rrad at Perkz