Matagumpay ang unang sabak ni John Paul “H2wo” Salonga sa kanyang bagong koponan matapos niyang tulungan ang RSG Slate PH na paluhurin ang ONIC PH, 2-0, sa ikatlong araw ng MPL Philippines Season 11.
Gamit ang utility jungle Fredrinn sa serye, solidong pumronta si H2wo sa pagkuha ng objectives at pagpasok sa team fights para mabigyan ng espasyo ang kanyang mga kakampi na makabitaw ng damage, partikular na si gold laner Eman “EMANN” Sangco na pinangalanang MVP sa dalawang laro.
Bakas sa mukha ng dating Nexplay EVOS star jungler ang tuwa na makuha ang unang panalo niya kasama ang Raiders.
“Masaya po sila kasama. Nung pagkapasok ko po sa RSG, talagang winelcome po nila ‘ko. ‘Di po sila mabigat kasama. Sobrang naka-close ko po sila agad,” wika niya sa interview ni host Mara Aquino.
Sa post-match press conference naman, inilahad ni H2wo ang naging pagbabago sa kanyang mindset pagpasok niya sa RSG Slate PH.
Ang pinagbago sa mindset ni H2wo pagdating sa RSG Slate PH
Ani ng 20-year-old player, nakatuon lang siya ngayong season sa pagpapaunlad ng kanyang sarili at hindi iniintindi ang mga ingay na nagmumula sa labas.
“Siguro ang mindset ko ngayong season is wala akong pakialam sa mga sinasabi ng ibang tao. Focus lang ako sa sarili ko,” pagdidiin ni H2wo.
“‘Pag may mga sinasabi sa’kin, ginagawa ko na lang motivation ‘yun para mag-succeed ako.”
Nakatatak din sa isip ni H2wo ang pagiging reigning Mobile Legends Southeast Asia Cup (MSC) champion at MPL PH Season 9 winner ng RSG kaya naman gumawa siya ng mga angkop na adjustment sa kanyang sarili.
“Talagang sumasabay ako sa disiplina nila. Talagang todo review kami and todo sipag sa mga scrims,” saad niya.
Matapos ibulsa ang kanilang unang panalo ngayong MPL PH S11, babanggain naman ng RSG Slate PH ang Smart Omega at TNC sa susunod na linggo.
Para sa karagdagang esports balita, guides, at highlights, i-follow lang ang ONE Esports Philippines sa Facebook.