Matapos ang ilang araw na usap-usapan tungkol sa kakaibang meta build na sumisikat ngayon na tank Lancelot o mas kilala sa tawag na Tank-celot, nakaharap ng two-time world champion na si Karl “KarlTzy” Nepomuceno ang nasabing hero sa kamay ng RSG Slate Philippines jungler na si John Paul “H2wo” Salonga sa ikaapat na linggo ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 11 (MPL PH S11).
Naging kontrobersyal ang opinyon ng ECHO jungler tungkol sa sumisikat na build dahil umano hindi ito angkop para sa kanyang personal na panlasa at tinawag itong “boring”. Taliwas naman ito sa paniniwala ni H2wo, na nagsabing malakas sa jungle ang naturang build ng hero.
Bago ang paghaharap ng mga koponan ng dalawang jungler ay nakatapat na rin ni Karl ang Tank-celot na gamit ni Dean Christian “Raizen” Sumagui ng Smart Omega, ngunit hindi natinag ang kanyang opinyon bagama’t natalo ang kanilang team sa ikalawang game ng series.
Mensahe ni H2wo para kay KarlTzy
Matapos ang panalo ng RSG na pumutol sa undefeated streak ng ECHO sa regular season, hiningan ng ONE Esports ng eksklusibong pahayag si H2 tungkol sa nagdaang laban at kung anong masasabi niya sa katapat na jungler matapos niyang maipakita ang pagiging epektibo ng kanyang Tank-celot.
Ayon sa RSG jungler, lubos siyang natuwa sa laban at nananatiling mataas ang kanyang respeto sa M2 World Finals MVP na nagpasikat sa Lancelot bilang jungler.
“Nice game kay KarlTzy,” sabi ni H2wo. “Ikaw pa rin yung pinakamalakas mag Lancelot syempre.”
Sa pagtatapos ng ikaapat na linggo ng regular season, kasalukuyang nasa ikalawang pwesto ang ECHO sa standings ng liga, na sinusundan naman ng RSG sa ikatlo, habang nangunguna pa rin ang Bren Esports sa unang pwesto na may 18 points.
Muling makakaharap ng ECHO ang RSG sa huling araw ng regular season, April 16.
Mapapanood ang opisyal na Filipino broadcast ng MPL PH S11 sa mga sumusunod na channels at pages:
Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook