Puspusan ang paghahanda ni Tristan “Yawi” Cabrera at ng kaniyang ECHO para sa paparating na dikdikan sa M4 World Championship na gugulong ngayong Enero.

Ngunit liban sa pagkakataong makabawi kina Jonmar “OhMyV33NUS” Villaluna at sa Blacklist International na gumapi sa kanila noong MPL Philippines Season 10 Grand Finals, may isa pa daw nagpapasabik kay Yawi na lumahok sa pinakamalaking Mobile Legends event ng taon.

Credit: MPL Philippines

Sa isang eklusibong panayam kasama ang ONE Esports Philippines, inamin ng superstar roamer na inaantabayanan daw niya ang tapatan sa isang partikular na player na kabilang din sa isang matikas na koponan.


Yawi may gustong patunayan kontra Kiboy

Credit: MPL Philippines

Sa naturang panayam, sinubukang kuhanin ng ONE Esports Philippines ang pahayag ni Yawi tungkol sa inaasahan niya sa mga koponan na kasama nila Group C, partikular na ang tantiya niya sa player matchups dito.

Ang sagot ng 21-anyos, labas sa tapatan nila ni Calvin “Vynnn” ng RRQ Hoshi, sabik daw siyang makaharap ang isa pang Indonesian roamer. Ito ay walang iba kundi si Nicky “Kiboy” Fernando ng ONIC Esports.

Credit: Kiboy

Paglalahad ni Yawi, “Gusto ko talaga makalaban sa stage si Kiboy eh. Ewan ko, parang, yung mga hero niya, parang parehas saken eh.”

“Tapos napapansin ko magaling din pumwesto. Parang magaling din talaga sa pickoff,” pagtutuloy ng kapitan ng ECHO.

Matatandaan na parehong kargado ng mga pamatay na Chou picks ang dalawang batikang roamers, bukod pa sa mga paborito nilang Jawhead at Khufra na matalino nilang ginagamit para makabuo ng setups para sa kani-kanilang teams.

Ngunit bukod daw sa head-to-head nila ng kapwa high-mechanic player, naintindihan din ni Yawi kung bakit mapanganib ang team na kinabibilangan nito.

Credit: ONE Esports

“Magaling kasi sa ONIC yung tatlo nila sa mid eh, kaya angsarap makalaban. ONIC talaga.”

Para sa iba pang ekslusibong content, i-like at i-follow lamang ang Facebook ng ONE Esports Philippines.

BASAHIN: Malaking bentahe ang bagay na ito para sa ONIC Esports sa M4