Pagkaraang gulantangin ang Blacklist International, RSG Philippines naman ang sumunod na nakatikim ng Lethal Burst Meta ng Geek Fam ID sa MPL Invitational 2022 Semifinals.

Taob ang top PH team sa koponan ng kapwa Pinoy na si Allen “Baloyskie” Baloy na sinandalan ang kanilang Aamon (game one) at Gusion (game three) junglers para pihitin ang 2-1 upset upang maka-angat sa Grand Finals ng international torneo.


Geek Fam ID pinadapa ang RSG PH, 2-1

Hawak ang momentum galing sa kanilang tagumpay kontra sa number one ranked team Blacklist sa Quarterfinals, isinalang muli ng Geek Fam ID ang nauusong burst meta play kung saan pumipili sila ng burst mage/assassins para bigyang-daan ang early game abante.

Sa game one, natagpuan ng Indonesian team ang tagumpay sa balikat ng Filipino import na si Jaymark “Janaaqt” Lazaro na hinawakan ang kaniyang Aamon. Bagamat 1/2/3 KDA lamang ang inilista ng kaniyang burst mage ay malaking banta ang hero pick kontra sa RSG PH lineup na naksentro sa Lesley gayundin sa deny-pick na Gusion.

Mabilis na niligpit ng Geek Fam ID ang Pinoy team lalo pa’t magilas na Valentina ang ipinamalas ng kanilang MDL standout na si Valent “Aboy” Putra na pumukol ng perpektong 5/0/1 KDA.

Credit: ONE Esports

Hindi naman pumayag ang RSG PH na maagang masipa mula sa MPLI 2022 contention. Dominanteng play sa Benedetta ang ipinakita nin Nathanael “Nathzz” Estrologo sa ikalawang mapa na dinomina ang EXP lane kontra sa Grock ni Luke “LUKE” Valentinus, bago maghasik ng lagim sa backlines ng kalaban.

Nagtala ng pambihirang 747 gold per minute ang MSC 2022 Most Valuable Player, katuwang ng 9/4/5 KDA para tulungan ang kaniyang koponan na maitabla ang series score.

Credit: ONE Esports

Sinubukang samantalahin ng RSG PH ang momentum galing sa game two nang ipahawak nila muli ang Benedetta kay Nathzz. Ngunit kasabay ng priority nila sa fighter/assassin, ay nabigyan ng puwang ang Gusion para mapunta sa kamay ni Janaaqt.

Credit: ONE Esports

Gaya ng mga naganap sa opener ay gayundin ang burst damage threat na ibinigay ng Geek Fam ID jungler sa kalaban kung kaya’t early game abante muli ang nakuha ng koponan. Ito rin ang nagbigay ng oras para kay Mohammad “Caderaa” Pambudi na makuha ang kaniyang offensive items para mas mapasakit ang kargang damage ng kaniyang Beatrix.

Hindi na lumingon pabalik ang Geek Fam ID na sumalaksak sa ika-11 minuto ng laro para makumpleto ang upset kontra RSG PH.

Credit: ONE Esports

Sa tagumpay, mag-aabang na ang koponan ni Baloyskie sa magwawagi sa labanan ng ONIC Esports at Todak para sa MPLI 2022 Grand Finals.

Sundan ang pinakahuli sa MPLI 2022 sa pamamagitan ng pagsubaybay sa Facebook ng ONE Esports Philippines.

BASAHIN: CikuGais pinanis ang RSG SG, Todak aangat sa MPLI 2022 Semis