Winalis nila Luke at Geek Fam ID ang Alter Ego sa MPL Indonesia Season 10 Week 5 at tuluyang pinutol ang kanilang three-match losing streak.

Sinimulan ng Geek Fam ang serye sa pamamagitan ng isang malinis na 10-0 kill score sa Game 1, salamat sa pinagsamang-puwersa nila Pinoy imports Allen “Baloyskie” Baloy sa Grock at Jaymark “Janaaqt” Lazaro sa Fanny.

Sa Game 2, kinuha ni EXP laner Luke si Fredrinn, ang unang pagkakataon na napili ang pinakabagong tank hero sa naturang liga. Kaiba sa unang laro, dikdikan ang bakbakan sa sumunod na laro.

Gayunpaman, agad na nagparamdam ang Rogue Appraiser sa kamay ng rookie player. Sinalo niya ang halos lahat ng damage mula sa kalaban at pinasimulan ang pampanalong team fight para masiguro ang 2-0 sweep.


Pinakita ni Geek Fam Luke kung gaano talaga kakunat si Fredrinn

MLBB Fredrinn
Credit: Moonton

May kaunting tower at gold advantage ang Geek Fam ID matapos ang 13 minuto sa Game 2. Dumidepensa ang Alter Ego sa high ground nang mahuli nila si Luke na nag-i-split push nang mag-isa sa bot lane. Gumamit ng Conceal si Alter Ego roamer Julian “LeoMurphy” Murphy sa Chou sa tangkang kunin ang isang madaling pickoff.

Napansin ni Luke ang Conceal play at sinubukang tumakas sa jungle pero nag-flicker si LeoMurphy at sinipa siya papunta sa tatlo pang miyembro ng AE gamit ang Way of the Dragon ultimate. Mukhang wala na siyang kawala at pinaulanan siya ng damage nila LeoMurphy, Rafly Alvareza “Pai” Sudrajat (Esmeralda), Muhammad Julian “Udil” Ardiansyah (Valentina) at Eldin Rahadian “Celiboy” Putra (Paquito).

Pero milagrong nakaligtas sa gank si Luke at ipinakita kung gaano talaga kakunat ang Fredrinn. Ginamit niya ang Brave Assault para maka-reposition sa isang masikip na lugar bago i-cast ang Energy Eruption para sa defensive stats boost. Muli niyang ginamit ang Brave Assault para makatalon sa isang pader patungo sa bot lane.



Dahil dito, nabigyan niya ng oras si Janaaqt sa Fanny na makaresponde at makapitas pa nga ng double kill kontra sa Esmeralda at Valentina. Napuwersa ang Alter Ego players na umatras papunta sa kanilang base. Matapos ang pangyayari, nasa 20% pa ang HP ng Fredrinn, isang patunay sa tibay ng bagong hero kapag nabili na ang core items.

Nabago nito ang takbo ng laro. Napatumba ng Geek Fam ang dalawang inhibitor turrets at ang Enhanced Lord na siyang ginamit nila para rumekta sa mid at isara ang serye.

Luke (kanan) at Baloyskie
Credit: ONE Esports

Sa post-match interview, inilahad ni Luke kung bakit niya pinili ang Rogue Appraiser.

“I think Fredrinn is strong and quite easy to use, especially against melee heroes,” wika ng dating Geek Fam Jr player sa MDL ID Season 5. “Maybe his only drawback is his weak laning phase.”

Sa kabila ng mas mahinang damage kumpara sa ibang EXP laners, sumasang-ayon si Luke na ang kalakasan ng Fredrinn ay ang kanyang natatanging skill set, partikular na ang kanyang Energy Eruption at Brave Assault na kayang mang-stun ng maraming kalaban nang magkasasunod.

“This hero has a big impact in team fights,” dagdag pa niya.

Para sa mga balita at guides patungkol sa Mobile Legends, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.


Ito’y pagsasalin ng katha ni Jules Elona ng ONE Esports.