Mananatiling mainit ang makinarya ng North American team na The Valley sa gumugulong na M4 World Championship sa Jakarta. Ito ay matapos isalang ni Ian “FwydChickn” Hohl ang pinakadominante niyang performance sa torneo para ilubog ang pangahas na RRQ Akira, 3-1 sa Lower Bracket quarterfinals.
FwydChickn nangmama, tinulungan ang The Valley umangat sa LB Semis
Inantabayanan ng mga miron ang harapang FwydChickn at ng kaniyang RRQ Akira counterpart na si Arthur “Tekashi” Nascimento na parehong nagpabilib sa mga gumulong na dikdikan sa Lower Bracket. Hindi naman binigo ng dalawang EXP laners ang pag-asa ng mga miron dahil naghalinhinan ang dalawa sa paggawa ng plays para sa kani-kanilang teams.
Patas ang naging dikdikan sa game one sa pagitan ng dalawang pros ngunit lumabas na mas epektibo ang Grock pick ni FwydChickn na tinulungan ang kaniyang pangkat sa team fights para makuha ang tagumpay sa ika-14 minuto.
Hindi pumayag si Tekashi na masilat ang spotlight sa game two. Sa parehong Grock pick, ipinakita ng EXP laner ang totoong potensiyal ng hero na dinunggol ang mga miyembro ng The Valley para bigyang-daan ang 1-1 tabla. Pumukol ng perpektong 3/0/6 KDA ang 19-anyos para hiranging MVP ng laro.
Sinubukang sandalan ng RRQ ang magilas na performance ng kanilang EXP laner sa ikatlong laro, ngunit pinatunayan ni FwydChickn kung bakit kinatatakutan ang kaniyang Thamuz. Lapnos sa Amerikano ang Brazilian sa laning stage bago yakagin ito sa neutral objective takes at push para makalawit ang 2-1.
Hindi na pinayagan ng dating BloodThirstyKings gold laner na muling makabawi ang kaniyang katapat pagdako ng game four dahil parehong bangis ang ipinakita niya hawak naman ang Lapu-Lapu.
Pambihirang mechanic at skill mastery ang ipinasaksi ng batang pro sa Fighter na nagwala sa team fights papunta sa 5/1/4 KDA at 696 gold per minute, sapat para makuha niya ang ikalawa niyang MVP gantimpala sa serye.
Sa tagumpay, aangat ang The Valley sa Lower Bracket semifinal at kakaharapin ang ECHO o ONIC Esports. Samatala, opisyal ng masisipa mula sa kumpetisyon ang RRQ Akira.
Sundan ang pinakahuli sa M4 sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!
BASAHIN: M4 Knockouts: Wise, Blacklist sinakop ang RRQ Kingdom para tumulak sa UB Finals