Gaya ng ipinakita niya sa BloodThirstyKings, ipinamalas muli ni Ian “FwydChickn” Hohl ang kaniyang kalibre sa world stage matapos pumihit ng kanapapanabik na performances para sa The Valley sa gumulong na M4 World Championship.

Bagamat kinulang ang North American team sa huli ay kapansin-pansin ang ipinakita ng EXP laner kontra sa bigating teams mula sa nangingibabaw na MPL regions.

Credit: ONE Esports

Kahit pa ang M1 World Champion at retiradong pro na si Oura, napamangha sa naipamalas ng batang pro. Kaya naman, hindi maitatanggi na malaki ang maiaambag ni FwydChickn sa kahit anong team na kabilangan niya.

At kung sa MPL Indonesia niya dadalhin ang kaniyang mga talento, may ideya na ang Amerikano kung saang panig niya gusto dumako.


Anong teams ang gustong salihan ni FwydChickn sa Indonesia?

Sa gumulong na M4 event, inilahad ni FwydChickn na may ilang koponan na sumubok na makipag-usap sa kaniya para bumandera para sa kanilang hanay. Kaugnay ito ng inilabas niyang Instagram story kaniyang kung saan sinagot niya ang isang tanong mula sa kaniyang tagasubaybay.

Credit: Moonton

Aniya, malabo daw ang posibilidad na mangyari ang pagsanib niya sa team sa labas ng Estados Unidos sapagkat mahirap daw magproseso ng business visa na kinakailangan para makalaro siya sa ibang bansa.

Kasunod nito, sinagot din ni FwydChickn ang tanong kung anong team ang gusto niyang saniban kung may isang araw siyang puwedeng dumako sa Indonesia. Tugon niya dito, “RRQ or Onic”.

Kung mangyayare man ito, siguradong tataas lalo ang kalibre ng dalawa sa pinakamalakas na koponan sa bansa. Karugtong pa ng umiiral na injury sa long-time EXP laner na si Rivaldi “R7” Fatah, tiyak na makikinabang ang Kingdom sa pagsanib sa kanila ng batang pro.

Sa panig naman ng Yellow Hedgehog team, maaari nitong bigyang-buhay ang dinamiko ng koponan sa team fights lalo na at maraming tumutukoy sa kakulangan ng performance ni Muhammad “Butsss” Sanubari sa M4. Katuwang ang pambihirang talento ni Kairi “Kairi” Rayosdelsol, maasahang pasabog ang isasalang ng ONIC Esports sa lokal at internasyonal na entablado.

Sa kasalukuyan, mananatiling pangarap muna ito ng MPL ID fans dahil pinal na ang listahan ng teams sa pagdating ng roster lock.

Manatiling nakaantabay sa pinakahuli sa Mobile Legends sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!

BASAHIN: Ayon kay MobaZane, ito ang region na dapat tanggalan ng slot kung gagawing 2 NA teams sa M5