Ikinasa nila David Charles “FlapTzy” Canon at Bren Esports ang kanilang ikatlong sunod na 2-0 sweep victory sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) Season 11.
Ito’y matapos nilang palubugin ang TNC sa kanilang ikaapat na 0-2 defeat sa unang serye nitong Week 2 Day 3.
Muling ipinamalas ni FlapTzy ang kanyang solidong presensya sa EXP lane at matibay na pumronta sa mga clash gamit ang Gloo sa dalawang laro.
Nagpapakitang-gilas ulit ang M2 world champion at 1-time MPL PH winner sa gumugulong na season pagkatapos mawala sa main five ng Bren Esports noong Season 10.
Sa post-match press conference, inilahad niya kung bakit siya nawala sa starting lineup ng koponan at kung ano ang ginawa niya para patunayan na karapat-dapat siyang ibalik dito.
FlapTzy sa kanyang pagbabalik sa main five ng Bren Esports ngayong MPL PH S11
Paliwanag ng 18-year-old pro, marami umanong gumugulo sa isipan niya noong nakaraang season, dahilan para mawala ang atensyon niya sa pagpapalakas ng kanyang laro.
Matatandaang dalawang beses lang siya lumabas noong Season 10 kung saan si Vincent “Pandora” Unigo ang nagsilbing pangunahing EXP laner ng The Hive.
“Masyado po akong na-distract ‘tska parang humina po ako maglaro. Nawala po ‘yung gigil ko sa paglalaro eh kasi sa sobrang daming distractions.”
Ano naman ang ginawa ng dating world champ upang maibalik ang motibasyon niya sa paglalaro at makasama ulit sa main five ng Bren?
“Isinapuso ko po ulit ‘yung pag-e-ML ko. Nag-grind po ako nang nag-grind. Lahat ng distractions po nawala na sa utak ko,” tugon niya.
“Naka-focus lang po talaga ako sa ML, wala nang iba.”
Bagamat nakuha niya muli ang starting spot, sinabi ni coach Francis “Duckey” Glindro na marami pang kailangang paunlarin si FlapTzy sa kanyang performance ngayong season.
“Marami pa ring room for improvement,” ani ni Coach Duckey. “I’d say okay naman. It’s not brilliant I would say. Siguro kailangan ng consistency.”
Mainam para kay FlapTzy, pasara pa lang ang ikalawang linggo ng liga at may 10 serye pang natitira ang Bren Esports sa regular season kaya marami pa siyang oras para lalo pang lumakas. Sunod nilang makakabangga ang RSG Slate PH sa Week 3 Day 2.
Para sa karagdagang esports balita, guides, at highlights, i-follow lang ang ONE Esports Philippines sa Facebook.