Bakbakan sa pagitan ng pamabato ng Indonesia na EVOS Legends at kinatawan ng Pilipinas na ECHO ang nagsilbing panimula ng ikalawang araw ng ONE Esports Mobile Legends: Bang Bang Professional League Invitational 2022 (MPLI 2022).

Laman ng balita ang mga White Tigers noong nakaraang buwan matapos nilang mabigong makapasok sa playoffs ng MPL Indonesia sa kauna-unahang pagkakataon.

Kaya naman laking gulat na lang ng mga sumusubaybay sa MPLI 2022 matapos magpakitang-gilas ni Ferdyansyah “Ferxiic” Kamaruddin para maagang mailaglag ang runner-up ng MPL Philippines sa turneo matapos ang tatlong mapa ng best-of-three series.

Pagbawi ng EVOS Legends sinimulan ni Ferxiic MPLI 2022

Ferxiic bumida sa panalo ng EVOS Legends kontra ECHO sa MPLI 2022
Credit: ONE Esports

Sa draft pa lang ng unang mapa ng best-of-three ay bakas na kung gaano kaigting ang ginawang paghahanda ng EVOS Legends, hindi lang laban sa ECHO, kung hindi para sa buong turneo.

Inagaw nila ang Kadita ni Tristan “Yawi” Cabrera para ibigay kay Rachmad “DreamS” Wahyudi. Nagbunga ang desisyong ito matapos magsilbing susi ang manlalaro mula MLBB Development League Indonesia sa mga team fight ng kanyang koponan.

Mabagsik din ang naging tirada ng nagbabalik main roster na si Ferxiic. Kumana siya ng game-high six kills na sinamahan pa ng anim na assists kontra dalawang deaths para selyuhin ang kanilang panalo.

Ferxiic bumida sa panalo ng EVOS Legends kontra ECHO sa MPLI 2022
Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Para simulan ang kanilang pagbawi, nag-flex ng Valentina pick ang ECHO. Humiram sila ng pahina mula sa libro ng Blacklist International para paganahin ang Jungle Valentina ni Karl Gabriel “KarlTzy” Nepomuceno.

Kahit pa tangan ang Akai, isang hero na kilala sa pagselyo ng neutral objectives, ‘di man lang nakakuha ng Turtle or Lord ang EVOS Legends sa buong laro. Kahit ‘yung huling Lord na mapupunta na sana sa kanilang kamay ay nakuha pa ng game two MVP na si Yawi.

Lalong sumama ang pakikipagsayaw ng pambato ng Indonesia sa Lord nang makita nilang tinatapos na pala ng Bruno ni Benedict “Bennyqt” Gonzales ang laban. Tagumpay ang Pinoy gold laner sa tangkang ito para mapwersa ang rubber match.

Mas matatapang na mga tigre naman ang pumasok sa huling mapa, na nagsimula matapos ang mahaba-habang break. Naglabas ng Miya para kay ‘Bagyong Benny’ at Jungle Leomord ang mga Orca pero wala silang nagawa sa Gusion ni Ferxiic.

Matapos lang ang 15 minuto, nagawang basagin ng EVOS Legends ang base ng ECHO para maka-abante sa turneo. Nagtala si Ferxiic ng game-high five kills at 59,214 hero damage dealt, bukod pa sa inambag niyang siyam na assists.

Samantala, mag-uuwi naman ng US$1,000 USD, o mahigit ₱58,000 ang ECHO.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: EVOS Legends layuning ipanalo ang MPLI 2022, hindi natatakot sa mga PH teams | ONE Esports Philippines