Nanunumbalik na ang championship form ng RSG PH matapos nilang tapusin ang ikatlong linggo ng regular season ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 10 (MPL PH S10) nang hindi natatalo.
Isang araw kasunod ng pagpapaluhod sa BREN Esports, pina-amo naman ng Raiders ang Nexplay EVOS sa tulong ng malikot na Fanny ni Jonard “Demonkite” Caranto. Winalis nila ang mga tigre sa una nilang paghaharap para masarado sa walo ang kanilang nalikom na puntos.
Fanny ni Demonkite pinakitaan ang Nexplay EVOS sa MPL PH S10
Bago pangibabawan ng defending MPL PH at MLBB Southeast Asia Cup champions ang ikalawang mapa ng serye, nauna ang Nexplay EVOS sa paggamit ng Fanny. Ibinigay nila ito kay John Paul “H2wo” Salonga, pero ipinakita ng RSG PH kung gaano sila kahanda makipaglaro laban dito.
Nagtulong ang Khufra ni Dylan “Light” Catipon at Paquito ni Demonkite para mapigilan ang pagpapakitang-gilas ni H2wo. Bagamat bahagyang tumagal ang laban, tagumpay ang RSG PH sa pagpapatumba sa Nexplay EVOS.
Maganda ang pagkakahanap nina Coach Brian “Panda” Lim ng butas sa draft ng kanilang kalaban sa unang mapa, pero pagpasok ng game two, kapansin-pansin na tila nagpalitan ng heroes ang dalawang koponan. Bumida naman kasi ang Fanny ni Demonkite, habang si H2wo naman ang nag-Paquito. Gumamit din ng Khufra si Mico “Micophobia” Quitlong, gaya ng ginagawa ng RSG PH sa unang mapa.
Gayunpaman, magkaibang-magkaiba ang naging resulta ng laban. Natambakan sa kills ang koponan nina Jniel “YellyHaze” Bata-anon, matapos magwala ang Fanny ni Demonkite. Kasama ang naturang jungler sa apat mula sa anim na kabuuang kills ng kanyang koponan noong unang limang minuto ng bakbakan.
Natapos ang 14-minutong bakbakan nang may anim na kills at apat na assists ang Fanny ni Demonkite mula sa 21 total kills ng RSG PH. Siya rin ang hinirang na MVP ng ikalawang mapa.
Sa post-match interview, itinurong dahilan ni Demonkite ang mas mabisa nilang rotation nang tanungin kung bakit naging mas matagumpay ang RSG PH sa paggamit ng Fanny kumpara sa Nexplay EVOS.
“Siguro ‘yung pinagkaibahan po ‘yung synergy namin sa team fight at kung paano kami gumawa ng play sa mapa. Siguro mas nagiging effective lang ‘yung rotation namin,” paliwanag niya.
Samantala, nakatakda namang kalabanin ng RSG PH ang ECHO sa Sabado, ikatlo ng Setyembre, sa ganap na ika-apat ng hapon.
Masusubaybayan ang mga laban sa opisyal na YouTube at Facebook pages ng MPL Philippines.
Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: Matapos puruhan ang 3 PH int’l champions, ONIC PH mananatili raw na disiplinado sa S10