Matapos sagasaan ang Burn x Flash sa naunang matchup sa Day 3 ng M4 World Championship Group Stage, inasahan ng mga miron na pareho ang magiging resulta ng huling seryeng katatampukan ng Blacklist International sa Group A. Ngunit hindi ang inasam na 3-0 sweep kundi three-way-tie ang natamo ng defending champions sa kamay ng Falcon Esports ni Coach Steven “Dale” Vitug.
Hindi umubra ang mga kampeon ng MPL PH sa henyong komposisyon na isinalang ni Coach Dale na binalagbag ang katapat simula hanggang dulo para ibaon ang mga ito sa 16-3 kill score at puksain sa loob ng 16 minuto.
Power draft ng Falcon Esports nilagay sa alanganin ang Blacklist sa M4 Groups
Matindi agad ang naging dikdikan simula sa drafting kung saan naghalinhinan sina Coach Dale at ang primeyadong coach ng Blacklist na si Coach Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza.
Isinalang ng koponan ng Tier One ang disenteng picks tampok ang Karrie, Xavier, Diggie at Uranus. Gayunpaman, kapansin-pansin ang singgilas na drafting ng kalabang Pinoy coach na inilabas ang power picks na Faramis, Lapu-Lapu, Natalia, Martis, bago pakawalan ang Lunox.
Sapat ito para madehado ang mega-sustain lineup ng defending champs.
Unang bahagi pa lamang ng laro ay hinawakan na ng Falcon Esports ang tempo sa likod ng magilas na pihit ni Kenneth “Kenn” Hein sa kaniyang fighter jungler. Hindi pinayagan ng Myanmar team na makapalag ang mga katapat sa pagkuha ng neutral objectives, dahil sa panganib na dala ng assassin roamer sa kamay naman ni Min “Naomi” Ko.
Dahil dito, umarangkada ang mga mga Burmese sa early hanggang mid game na muli’t-muling kinalampag ang kalabang mga Pinoy para makakuha ng kills. Pagdako ng 6 minuto ay nagawa na nilang mabaon ang katapat sa 7-1 bangin at mahawakan ang dambulahang 2.2K gold lead.
Sinubukan namang sandalan ng Blacklist ang kanilang late game nang kumatok na sa kanilang inhibitor turrets ang Falcon Esports. Gayunpaman, hindi na nila nagawang pigilan ang martsa ng mga ito ng pumihit ng magnipikong team fight sa mid para ipako ang laro sa 16 minuto.
Bida sa matchup ang Faramis ni Pyae “JustiN” Khant na kumana ng pambihirang 93.8% kill participation katuwang pa ng dambuhalang 3/0/12 KDA para hiranging MVP ng laro.
Sa panalo, mapupuwersa ng Falcon Esports ang three-way tie kasama ang Blacklist at Incendio Supremacy. Samantala, sigurado na sa lower bracket ang Burn x Flash matapos magapi ng dalawang ulit sa Day 3.
Antabayanan ang mga bakbakan sa M4 sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines.
BASAHIN: M4 Group Stage: Falcon Esports ni Dale bumawi, inapula ang Burn x Flash ni Zico