Binura ng Falcon Esports ng Myanmar ang pait ng unang pagkatalo sa M4 World Championship matapos nilang padapain ang BURN x FLASH ng Cambodia sa kanilang tapatan sa Group A.

Isang comeback win ang inilista ng mga bata ni Steve “Coach Dale” Vitug sa mainit na sagupaan kontra sa mga manlalaro ni John Michael “Coach Zico” Dizon.

Itinuturing na isa sa mga paboritong makausad mula sa kanilang pangkat, naka-bounce back ang Falcon mula sa ‘di inaasahang kabiguan sa kamay ng Incendio Supremacy ng Turkey.


Bumida si Zippx gamit ang Harith sa comeback ng Falcon Esports kontra BURN x FLASH sa M4

Falcon Esports Zippx ang MVP gamit si Harith
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Mala-seesaw ang bakbakan sa pagitan ng mga pambato ng Myanmar at Cambodia sa kanilang group stage match na umabot sa late game. Nagpakitang-gilas si Kyaw “Zippx” Bo sa off-meta gold lane Harith at pinangunahan ang comeback ng Falcon Esports.

Sa ika-17 minuto, napitas nila Pinoy gold laner Jhonwin “Hesa” Vergara (Karrie) at BURN x FLASH si Falcon jungler Kenneth “Kenn” Hein (Ling), dahilan para libre nilang makuha ang Evolved Lord.

Subalit nakadepensa ang Falcon at inipit ang BURN sa top side ng kanilang jungle. Nakatakas si Hesa sa initiation ni Min “Naomi” Ko (Grock) ngunit namatay din siya sa sumunod na clash kasama ang dalawa pang kakampi dala ng mahapding damage ni Zippx.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Nagmartsa ang Falcon sa mid at kinitil ang dalawa pang natitirang miyembro para sa kumpletong team wipe bago tuluyang basagin ang base ng Burn.

Itinanghal na MVP si Zippx matapos magtala ng 5/2/12 at 85% kill participation, at binuhos din niya ang pinakamalaking damage na umabot sa 113K. Malaki rin ang ginampanan ni Naomi na ‘di lang tumangke ng damage kundi gumawa ng mahahalagang Guardian’s Barrier plays.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Ipagpapatuloy ng Falcon Esports ang kanilang kampanya laban sa reigning world champion Blacklist International sa ika-3 ng Enero. Sa parehong araw ay makakaharap ng BURN x FLASH ang Incendio Supremacy at Blacklist.

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga balita patungkol sa M4.