Humantong na sa pinakamadilim nilang yugto ang EVOS Legends. Malayo na ang anyo ng team ngayon mula sa koponang sumakop sa M1 World Championship, matapos mabigong makakuha ng playoff spot sa pagtatapos ng MPL Indonesia Season 10.
Nagdulot ito upang gawing target ng mga miron ang players na naglaro sa bandera ng White Tigers ngayong season, kaya naman gayun na lamang ang pagka-alarma ng head coach na si Bjorn “Coach Zeys” Ong.
Partikular na pinupuntirya ngayon ang EVOS gold laner na si Clover na binabatikos tungkol sa kaniyang kapasidad na suotin ang White Tiger uniform. Hindi lamang ang kaniyang abilidad ang kinukuwestiyon ng mga miron, may mga tao ring bukas na kinamumuhian ang batang pro.
Ang delubyo ng EVOS Legends sa MPL ID S10
Sa unang pagkakataon, bigo ang EVOS Legends na makapasok sa MPL ID playoffs. Ito ay karugtong ng malaking pagbabago na pinagulong nila sa kanilang roster sa pagsisimula ng regular season play.
At bagamat naging matagumpay ito sa unang bahagi ng Season 10 kung saan umarangkada sila sa numero unong spot sa standings, ay hindi ito nagawang ulitin ng White Tigers pagdako ng kritikal na second half ng pro play.
Nasindihan ang kanilang lose streak sa kamay ng Aura Fire, at hindi na nagawa ng koponan ni Coach Zeys na maapula ang sunog. Taob din ang White Tigers kontra sa noon ay mas mababa sa standings na Geek Fam ID at Rebellion Zion. Sumatotal, pitong sunod na pagkatalo ang nagbaon sa EVOS papunta sa 7th place finish.
Coach Zeys nagpadala ng simpatiya para kay Clover
Hindi na bago para kay Coach Zeys at sa kaniyang players na makatanggap ng paninira at negatibong mga komento sa social media. Ngunit ngayong mababa na ang morale ng kaniyang mga manlalaro ay hindi raw ito makakatulong sa kanilang tangkang bumalik sa dati nilang porma.
Hindi naman daw lingid sa kaalaman na masalimuot ang performance ni Clover noong Season 10, gayunpaman, hindi raw nararapat na kasuklaman ang batang pro lalo pa’t may ilang below the belt na ang tirade.
“The fact that Hafiz (Clover) didn’t play well, I can’t deny. But no matter how bad he plays, he doesn’t deserve that hate and blasphemy,” ani ni Coach Zeys sa kaniyang live stream.
Sampu ng mga totoong taga-suporta ng EVOS Legends, inaasahan ng team na manunumbalik sila sa dati nilang tindig sa susunod nilang kampanya.
Pagsasalin ito sa sulat ni Alfa Rizki ng ONE Esports ID.
BASAHIN: Ang dahilan kung bakit wala si Dlar sa roster ng EVOS Legends sa Piala Presiden 2022