Masama ang kalagayan ngayon ng EVOS Legends. Posible kasing hindi makapasok ang koponan sa playoffs ng MPL Indonesia sa unang pagkakataon ngayong Season 10.
Totoo ngang puno ng sorpresa at drama ang tumatakbong season. Mas balanse na ang lakas ng walong koponan kaya naman iba’t-ibang resulta ang naglalabasan. Subalit kakaiba pa rin ang pagbagsak ng EVOS sa second half ng regular season.
Mula sa pagiging top team sa unang kalahati, bigla na lang lumagapak ang White Tigers. Dumulas sila sa isang five-match losing streak na nangngahulugang wala na silang tsansa makakuha ng upper bracket spot. Hindi lang ‘yan, nasa panganib din sila na hindi makatuntong sa playoffs.
Dagdag pa rito, nagpakita ang Geek Fam at Rebellion Zion ng magandang performance sa nakalipas na Week 7. Maging ang Bigetron Alpha ay umangat din.
Kung gusto ng EVOS Legends na makaligtas, kakailanganin nilang walisin ang natitira nilang dalawang serye kontra Bigetron at defending champion RRQ Hoshi. Ngunit hindi ito magiging madali.
Humingi ng paumanhin sa fans si EVOS Legends VP DeanKT
Hindi talaga inasahan ang masasamang resulta mula sa koponan. Bagamat nakitang mababawasan ang lakas ng EVOS Legends sa pagpapasok ng panibagong roster, hindi ito sapat para masabing hindi sila makakausad sa playoffs.
Dahil dito, nakatanggap sila ng matinding pangba-bash at ‘di napigilan ng EVOS Fams na madismaya. Kaya naman naglabas ng Instagram story si VP Aldean “DeanKT” Tegar ng Instagram story kung saan nanghingi siya ng paumanhin.
“Paumanhin EVOS Fams para sa napakasamang laro ng EVOS Legends. Hindi katanggap-tanggap ang five-match losing streak. Sa ganitong laruan, hindi namin deserve na makapasok sa playoffs,” paliwanag niya.
“Mag-i-improve kami at sana ay may daan palabas sa losing streak na ito. Muli, humihingi ako ng paumanhin at maraming salamat sa pananatili at pagsuporta,” dagdag niya.
Para sa mga balita at guides tungkol sa Mobile Legends, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
Hango ito sa istorya ni Redzi Arya Pratama ng ONE Esports Indonesia.
BASAHIN: Dlar sa demotion patungong MDL: ‘May mga bagay pa akong kailangan matutunan’