Noong kasagsagan ng M4 World Championship, isang tweet mula kay Gerald “Dlar” Trinchera ang bumulabog sa Mobile Legends: Bang Bang community.
Kadalasan, ang tatlong letrang inilathala ni Dlar ay nangangahulugang “looking for team”. Matatandaang lumipat ang Filipino EXP laner sa EVOS Legends mula ONIC Philippines noong simula ng MLBB Professional League Indonesia Season 10 (MPL ID S10).
Kaso nga lang, matapos ang tatlong laro, ibinababa siya sa EVOS Icon, ang MLBB Development League (MDL) team ng kanyang organisasyon. Hindi rin siya kasama sa roster ng EVOS na isinabak sa MPL Invitational 2022 ng ONE Esports at 14th World Esports Championship ng International Esports Federation.
- Pano maging magaling na Chou player? Ito ang tips ni Chou God Yawi
- Kilalanin si SanFord ng ECHO, ang standout player ng M4 World Championship
Ang paliwanag ni Dlar sa kanyang tweet
Kinumpirma ng ONE Esports kay Dlar ang ibig sabihin ng kanyang tweet noong nagpunta ito sa Tennis Indoor Stadium Senayan, ang venue ng M4 World Championship knockout stage.
“Joke lang ‘yung tweet na ‘yun… sa ngayon EVOS pa rin ako,” pagkukumpirma niya.
Dagdag niya, nakasanayan na raw ito ng mga manlalaro at coaches sa tuwing offseason. Gayunpaman, hindi naman isinara ni Dlar ang posibilidad na muli siyang maglaro sa Pilipinas.
“Pwede naman akong bumalik sa Pilipinas, pero gusto ko pang maglaro sa Indonesia,” aniya.
Kung sakaling siya ay babalik, nagbanggit si The General ng dalawang koponan na nais niya sanang saniban:
“Kung babalik ako sa Pinas, gusto kong maglaro sa Blacklist International o RSG.”
Noong huling sabak ng EVOS Esports sa isang turneo, si Rizqi “Saykots” Iskandar ang nagpuno sa role ng EXP laner. Susi ang kanyang Yu Zhong para mauwi ng Indonesia ang gintong medalya sa 14th WE Championship matapos nilang walisin ang SIBOL, ang national esports team ng Pilipinas na binubuo ng mga miyembro ng Blacklist International.
Dahil dito, naniniwala si Dlar na maaaring si Saykots din ang gamitin ng EVOS Legends pagpasok sa susunod na season ng MPL ID.
Naikasa na noong ika-19 ng Enero ang roster ng mga koponan sa naturang liga. Gayunpaman, nakatakda pang ilabas ng EVOS Esports ang opisyal na anunsyo ukol sa mga miyembro ng EVOS Icon at EVOS Legends.
Para sa karagdagang esports balita, guides, at highlights, i-follow lang ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
Ito ay pagsasalin sa Filipino mula sa orihinal na akda na matatagpuan dito.
BASAHIN: Eksklusibo: Zeys ibinunyag ang tsansa ni Dlar na makapaglaro sa EVOS Legends sa MPL ID S11