Nasaksihan ni Blacklist International head coach Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza ang pag-usbong ni Edward Jay “EDWARD” Dapadap. Mula sa pagiging isang RG (ranked games) boy, ngayon ay kinikilala na siya bilang isa sa pinakasolidong manlalaro sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH).
Na-scout ni Coach BON CHAN ang noo’y 15 anyos na EDWARD sa MLBB leaderboards at ni-recruit sa EVOS Esports PH para sa isang torneo sa isang mall. Nanalo sila sa nasabing kompetisyon kasama si Kairi “Kairi” Rayosdelsol.
Dito na nagsimulang gumulong ang makulay na karera ng batang manlalaro sa Mobile Legends.
Sa press conference matapos makuha ng Blacklist ang ikatlong kampeonato sa MPL PH, ikinuwento ni BON CHAN ang naging progreso ni EDWARD sa liga bago ito hiranging two-time Finals MVP. Inihayag din ng respetadong coach kung gaano siya kasaya para sa mga naabot na tagumpay ng kanyang manlalaro.
Proud si BON CHAN sa pag-unlad ni EDWARD sa MPL PH
Kuwento ni BON CHAN, plano na talaga niyang ipasok si EDWARD sa EVOS PH noong MPL PH Season 5. Muntik pa itong mapurnada dahil nagkaroon ng problema sa organisasyon na nagpuwersa rito na umalis sa liga.
“Buti na lang dumating sina boss Tryke (Gutierrez) and boss Pao (Bago) dahil balak nilang kumuha ng slot sa MPL and nasa amin pa ‘yung slot na ‘yun. Doon ko pinasok si EDWARD sa Blacklist International. ‘Yun ang rookie year niya na kasama sina Honda (Reiniel Encisa).”
‘Di agad napadpad sa starting role ang manlalaro na tubong Bataan. Dalawang seasons ang inilagi niya bilang substitute at mage-support pa ang role niya noon. “That time ang posisyon niya pa ay pos-4, nagre-revolve siya doon like siya ‘yung nag pa-Pharsa or Lylia. Meron pa siyang ginagawa na pos-4 Natalia mga ganun,” pagtutuloy ni coach.
Dumating ang malaking break ni EDWARD at sinigurado niyang hindi niya sasayangin ang oportunidad na ito.
“Eventually pagdating nung Season 7, kinailangan namin ng player kung saan malakas sa side lane or highly mechanical skilled na player na kayang mag-convert sa kahit anong role. Doon namin natuklasan na kaya din pala ni EDWARD na mag-strong lane.”
“After nun, nung S7, S8 naging permanent na siya sa EXP lane and sobrang effective niya doon. Kasabay naman nun ‘yung pagdating nila OHEB and V33Wise. Talagang ang ganda ng naging synchronization nila nung S7.”
Kasama rin ang beteranong si Jayson “ESON” Gerardo, nakuha ng Blacklist ang kanilang kauna-unahang kampeonato kontra Execration sa isang dikdikang grand finals noong MPL PH Season 7 at itinanghal na Finals MVP si EDWARD.
Pinangunahan niya ang come-from-behind 4-3 victory ng Blacklist gamit ang kanyang signature Benedetta na nilaro niya nang limang beses. Tila poetic din na Benedetta niya ang sinandalan ng koponan para mailista ang napakahalagang Game 4 win laban sa ECHO na nagbigay sa kanilang momentum patungo sa ikatlong korona ngayong Season 10.
Sa kalagitnaan ng mga ito, nakamit rin ni EDWARD ang titulo sa Season 8 at M3 World Championship kasama ang BLCK. Kaya naman ‘di masukat ang tuwa ni Coach BON CHAN sa ipinakitang improvement ni EDWARD at sa nakuha niyang achievements sa nagdaang seasons.
“Sobrang proud dahil sa ganyang edad ang dami na niyang na-achieve. Nakapagpatayo na siya ng sariling bahay, samantalang ako nung ganyang edad taong computer shop ako. Lahat sila sobrang proud ako, ‘di lang kay Edward. Lahat sila na sa ganitong edad grabe na yung na-achieve nila.”
Para sa mga balita at guides patungkol sa MLBB, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.