Tatapusin ng ECHO ang kanilang kampanya sa M4 World Championship Group Stage hawak ang tiket sa Upper Bracket pagdating ng Knockout Stage.

Ito ay pagkaraan nilang rumagasa kontra RSG SG na binaon nila sa 16-8 kill score, bago isarado ang laro gamit ang henyong split push play sa ika-16 minuto para tuluyang mawalis ang Group C.


ECHO pumihit ng split push para tapusin ang RSG SG

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Hindi nagpatumpik-tumpik ang Purple Orcas na sumandal sa mahusay na maniobra ni Tristan “Yawi” Cabrera sa kaniyang Chou na pumatay sa pag-asa ng Singaporeans maka-alagwa sa unang bahagi ng laro.

Pambihira ang mga setup plays ng ECHO roamer para isubo sa kaniyang team ang early kills partikular na para kay Benedict “Bennyqt” Gonzales sa Karrie na maagang nakabuo ng kaniyang key items.

Malaking bahagi din ang ginampanan ng Fanny ni Karl “KarlTzy” Nepomuceno at Grock ni Sanford “Sanford” Vinuya na parehong kumuha ng mahahalagang kills kontra RSG SG para mapagulong ang dominasyon sa mid game.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Bagamat hawak ang malaking kalamangan sa kill score ay nanatiling matikas ang Singaporeans na sumubok na sumabay sa indak sa Lord pit sa ika-14 minuto. Dito na ipinakita ng ECHO ang tunay nilang henyo sa mapa sapagkat lumabas na pain pala ang neutral objective.

Habang abala ang MPL SG Season 4 champions na pumosisyon sa palibot ng Luminous Lord ay tahimik na tumulak si Bennyqt sa bottom lane. Huli na ng sinubukan ng mga mga miyembro ng RSG na apulain ang wave dahil sumunod na sa pagbasag ng base si KarlTzy.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Sa post-match interview, inilahad ng superstar jungler ang mga shot call sa likod ng pambihirang play. “Ako po talaga unang nag-call ‘non kaso, ano po, parang itutuloy po nila yung Lord (RSG SG) kaya napa-back po ako. ‘Tas noong sinabe na nila na reset nag-back na ako, tapos sinabe nalang nila na ano, i-segway ko na lang.”

Credit: Moonton

Natapos ang laban sa hiyawan ng ECHO fans. Dahil sa panalo, sigurado na ang dalawang Pinoy teams sa Upper Bracket pagdating ng Knockout Stage.

Sundan ang pinakahuli sa M4 sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!

BASAHIN: M4 Group Stage: ECHO niligpit ang Occupy Thrones, wala pa ring galos sa Group C