ECHO ang pinakamagaling na Mobile Legends: Bang Bang team sa buong mundo.

Kinailangan lamang ng Purple Orcas ng apat na laro sa inantabayanang Grand Finals ng M4 World Championship para agawin ang korona sa kamay ng defending champions Blacklist International.


Bennyqt at San-San duo nagpasiklab, ECHO winalis ang Blacklist para sa kampeonato

Credit: Moonton

Kaharap ang koponang gumapi sa kanila sa MPL Philippines Season 10 at sa Upper Bracket Finals kamakailan, hindi nagpakita ng anumang kaba ang ECHO na sinandalan ang kanilang pick off composition at macro control para basagin ang UBE strat ng Blacklist sa apat na laro.

Sa game one, pinatikim ng Purple Orcas ang kanilang mga katunggali ng swabeng kombinasyon ng kontrol Burst Damage at Box Control sa pangunguna ni Benedict “Bennyqt” Gonzales sa kaniyang gold lane Lunox at Alston “Sanji” Pabico sa Yve.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Pumukol si Bennyqt ng game-high 7 kills kontra 1 death habang perpektong 2/0/8 KDA at 77.5% Kill Participation ang itinala ni Sanji para kunin ang maagang abante sa serye.


Dumagundong ang Tennis Indoor Stadium Senayan sa naganap sa ikalawang mapa kung saan ginulantang ng ECHO ang defending champions sa paborito nilang split push play. Habang abala ang limang miyembro ng Blacklist sa labanan sa Lord pit ay tahimik na tinahak ni Bennyqt ang mid lane kasama ng minions para tapusin ang laro sa ika-14 minuto para ibaon sila sa 0-2 bangin.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Kontroladong agresyon naman ang ipinamalas ng koponan sa huling dalawang laro ng serye. Maagang diniin ng mga Orca ang pressure para madehado ang mid-game control ng karibal na team, at mabigyang-daan ang kanilang pambihirang team fight capability.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Bumida sa game three ang halimaw na Lapu-Lapu ni Sanford “Sanford” Vinuya na pumukol ng 7/2/10 KDA line at ang matitinding outplays para hiranging MVP ng laro. Samantala, ang kalahati naman ng kanilang San-San duo ang nagdala sa krusyal na game four sa malinis 4/0/7 KDA.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Sa huli, hinirang na Finals MVP si Bennyqt na nagtala ng 19/5/16 KDA total.

I-like at i-follow ang Facebook ng ONE Esports Philippines para sa pinakahuli sa Mobile Legends.

BASAHIN: M5 World Championship sa Pilipinas gaganapin!