Saglit na lamang ay opisyal nang bubuksan ng ECHO ang kanilang kampanya sa Upper Bracket ng M4 World Championship.
Susubukan ng mga Pinoy na ipagpatuloy ang kanilang momentum mula sa dominanteng performance sa Group C papunta sa Knockout Stage kung saan una nilang makakaharap ang dekalibreng Team HAQ.
Bagamat lamado ang taya sa kanila sa darating na matchup, hindi pinagsasawalang-bahala ng Purple Orcas ang kakayahan ng makamandag na katapat. Sa katunayan, tantiya daw nila, pukpukan simula hanggang dulo ang magaganap sa labanan kontra sa Malaysian team.
ECHO inaasahang dikitan ang laban kontra Team HAQ
Eksklusibong nakapanayam ng ONE Esports Philippines ang mga miyembro ng ECHO isang araw bago gumulong ang kanilang Upper Bracket kampanya sa M4 para kamustahin ang kanilang karanasan sa gumulong na group stage.
Bagamat dominante ang naging performance nila sa Group C, marami pa rin daw napulot na aral ang team sa karanasang ito ani ni Coach Archie “Tictac” Reyes. Partikular din daw nilang nasaksihan ang tikas ng teams na kalahok ngayon.
Pagkukumpara pa nga ng ECHO roamer at beteranong si Jaypee “Jaypee” Cruz, “Mas marami na lumakas na team simula noong M1”.
Ukol naman sa kanilang preparasyon papunta sa matarik na kahaharapin sa Knockouts, ipinunto daw ni Coach Tictac ang kahalagahan ng personal na paghahanda ng mga miyembro bukod sa pangkalahatang paghahanda ng team.
“More on self-reflection para malaman namin kung ready na ba ang bawat isa para sa knockout stage,” kuwento niya.
Sa parehong interview, ibinahagi din ng team ang palagay nilang magaganap kontra Team HAQ na buena mano nilang makakatagpo.
“Sa tingin ko, magandang laban ‘to kasi pareho sila [Garry] ng hero ni Karltzy. Pareho silang assassin user at tingin namen madami pa sila ilalabas na rotation kasi sobrang dami nilang hero,” tugon ni Coach Robert “Trebor” Sanchez.
Pagpapalawig pa ng analyst ng team, “Tingin ko sobrang dikitan yung laban namen sakanila kasi sobrang lakas din ng HAQ. Sobrang dami pa nila tinatago na strategy.”
Tatangkain ng ECHO na dalhin ang kanilang agresibo at desimuladong play sa pag-asang mapatumba ang MPL MY Season 10 champions mamayang 7 p.m. GMT+8.
Sundan ang pinakahuli sa M4 sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines.
BASAHIN: ECHO nagpakumbaba nang tawaging mas malakas kaysa Blacklist