Naging matunog ang pangalan ni Alston “Sanji” Pabico nang gumanap siya ng malaking papel sa tagumpay ng ECHO sa M4 World Championship sa kanyang debut season. Sa buong group at knockout stage, sa kanya lagi nanggagagling ang pinakamalaking damage at nakakuha ng maraming MVP awards.
Kahit na ang paglalaro online ay bahagi na ng kanyang karera ngayon bilang isang MLBB esports player, hindi ito ang bagay na unang pinangarap ng pro player.
Bago maging isang esports athlete, nakatutok ang kanyang focus sa isang naiibang landas – pinangarap niyang maging isang basketball star.
Sa isang eksklusibong panayam ng ONE Esports, ibinahagi ni Sanji ang kanyang pagmamahal sa basketball at kung ano ang naging dahilan kung bakit siya nagpasyang mapunta sa Mobile Legends.
Bumaling si Sanji sa MLBB nang maging mahirap na ang paglalaro ng sports
Ang pagmamahal ni Sanji para sa basketball at video games ay nagsimula noong siya ay bata pa.
“Mahilig talaga sa sports at video games ang tatay ko noon,” ibinahagi niya. “Palagi niya akong hinahayaan na sumali at doon nagsimula maging interesado.”
Noong una, mas nakatutok siya sa basketball at sumali pa sa mga minor league noong high school para mahasa ang kanyang kakayahan. Gayunpaman, naantala ng COVID-19 pandemic ang kanyang mga plano noong 2020.
“Nang tumama ang COVID-19, sarado ang lahat ng basketball court at kailangan kong maghanap ng iba pang libangan,” pagkukuwento niya.
Sa panahong ito nadiskubre niya ang Mobile Legends habang nanonood ng mga streamer sa Facebook. “Naging interesado ako kasi gamer din po ako,” paliwanag niya.
Matapos mapagtanto ang kanyang potensyal sa MLBB, sumali siya sa ilang mga amateur team at mabilis na gumawa ng pangalan para sa kanyang sarili. Noong 2022, napansin siya ng ECHO at kalaunan ay kinuha siya upang maging bahagi ng kanilang team.
Kahit fully focused na siya sa kanyang esports career, hindi pa rin niya malilimutan ang mga alaala niya sa court.
Kung full-time pa siyang naglalaro ng sport, gugustuhin niyang maglaro para sa San Miguel Beermen ng Philippine Basketball Association (PBA).
“Fan po talaga ako ng team na ‘yon mula pa noong bata pa ako,” sabi niya.
Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.