Kinikilala ngayon si Sanford Marin “SanFord” Vinuya ng ECHO bilang isa sa mga pinakamahusay na EXP laner sa Mobile Legends: Bang Bang professional scene.

Pinabilib ng 16-year-old player ang mga fans maging ang kapwa pro players sa pamamagitan ng kanyang malupit na galawan upang tulungan ang Purple Orcas na masungkit ang titulo sa M4 World Championship na idinaos sa Jakarta, Indonesia noong nakaraang buwan. Ilan sa mga kinakatakutang heroes niya ang Benetta, Lapu-Lapu, at Yu Zhong.

Nagkaroon ng pagkakataon ang ONE Esports na tanungin si SanFord patungkol sa mga pinakamainam niyang payo sa mga katulad niyang EXP laners at masayang nagbahagi ang mahusay na manlalaro.


Top 3 tips ni ECHO SanFord para sa EXP laners

SanFord ng ECHO
Credit: ONE Esports

1. Tulungan ang jungler sa early game

“Para sa’kin, unang-una, tulungan mo ‘yung core (jungler) mo sa early game bago magka-Turtle and ‘wag ka magpapa-poke,” saad ni SanFord.

Maaari kang makatulong sa inyong jungler sa pamamagitan ng panandaliang pag-leash sa una niyang kukunin na buff kung malapit ito sa EXP lane. Pwede ka rin maki-contest sa Lithowanderer pagkatapos i-clear ang unang wave ng minions.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Payo rin ng EXP laner ng ECHO, maging mautak sa laning phase at huwag basta-basta tatanggap ng damage mula sa katapat, lalo na kung ‘di ka nakikipag-trade. Sa paraang ito, mayroon kang sapat na HP para makipagbakbakan sa unang Turtle fight.


2. Tutukan ang iyong target

“Second one is prioritize your target. Dapat kung sino ‘yung kaya mong patayin or mga importante sa clash dapat ‘yun ‘yung pinapatay or tina-target mo.”

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Tinutukoy dito ni SanFord ang gold laner/marksman at mid laner/mage ng kalabang koponan. Madalas kasi sila ang mga malalambot ngunit kayang makapagbitaw ng malaking damage.

Pwede mo ring pagtuunan ng pansin ang jungler ng kalaban kung mayroon kang solidong crowd control skill pagdating sa mga laban para sa Turtle o Lord.


3. I-sustain ang lane at maging mapagmatyag sa mapa

“And lastly, pag-sustain ng lane and map awareness,” wika ni SanFord.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Mahalaga ito sa mid to late game kung saan kadalasan ang EXP laners ay naaatasang panatilhin ang minion equilibrium sa mapa. Dapat alam mo kung kailan magki-clear ng minions para ‘di kayo mabasagan ng turret at kung kailan sasali sa team fights.

Kailangan mo ring sumama sa pagkuha ng mga Turtle at Lord dahil ikaw ang magsisilbing ikalawang tangke ng iyong koponan at panggulo sa damage dealers ng kalaban. Malalaman mo ang mga bagay na ito kung mainam ang iyong map awareness.


Para sa karagdagang esports balita, guides, at highlights, i-follow lang ang ONE Esports Philippines sa Facebook.